Skip to main content

Teddy Bear




Simbang gabi. Ang huling misa bago mag-noche Buena. Matapos ang sampung taon, ngayon ko lang uli mararanasan ang simbang gabi. Maaga akong bumangon para maghanda. At matapos kong maligo at magpalit ng damit tinungo ko ang silid naming mag-asawa. Kagya’t na kalungkutan ang nadama ko. Dahan-dahan akong pumasok sa silid at marahan kong pinagmasdan ang kabuuan ng apat na sulok noon. Ang silid na diwang saksi sa pagmamahalan namin ni Cherie. Ito ang tanging silid na nakaalam ng mga mumunting pangarap naming dalawa para sa nag-iisang anak namin na si Jerika. At ito rin ang silid na nakakita kung paano unti-unting gumuho ang buhay na pinangarap ko.

            Kinuha ko ang isang sweater mula sa tokador. Iyon ang kulay asul na paboritong sweater ni Cherie. Palagi niyang suot iyon tuwing magsisimbang gabi kami. Napakasaya namin noon…walang kasing saya. Binalot ng pangungulila ang aking puso nang maalala ko si Cherie. Ang kanyang malambing na boses, ang mga yakap at halik, ang kanyang mga halakhak sa aking mga biro, ang mga sandaling masaya at puno ng pangarap ang buhay naming dalawa.

 Napailing ako. Parang tinataga ng paulit-ulit ang aking puso tuwing naaalala ko ang nangyari. Ilang beses ko ng sinabi sa sarili ko na hindi ko na iyon dapat alalahanin pa. Wala na ring dahilan para balikan pa ang nakaraan na iyon.  Wasak na wasak na ang buhay ko. At bago pa ako tuluyang mawalan ng lakas  ng loob na magpakatatag ay nagdesisyon akong umalis na. Binitbit ko ang sweater sa paglabas ko ng silid.

Bago bumaba ng hagdan ay nadaan ko ang silid ng nag-iisa kong anak. Hinatak ako ng nanariwang alaala papasok sa loob noon. Nakalagay pa rin sa mga cabinet ang mga laruan ni Jerika. Limang taong gulang lang siya nang huli ko siyang makita. Napakabait at napakaganda niyang bata. Kamukhang-kamukha niya ang kanyang ina. Siya rin ang dahilan kung bakit lalo kong minahal si Cherie. Si Jerika, ang nag-iisa kong anak, ang naging sentro ng aking buhay noon. Nahagip ng aking mata ang isang teddy bear. Iyon ang paboritong laruan ng anak ko. Palagi nitong kapiling ang teddy bear na iyon.


Noong mga sandaling nagtatrabaho ako sa Amerika bilang isang guro ng mga special children sa isang learning center, palaging hawak iyon ng aking anak tuwing magkakausap kami sa webcam chat. Tandang-tanda ko pa nang sabihin niyang, “Tay, siya ang tatay ko ‘pag wala ka. Niyayakap ko po siya ng mahigpit. Para ko na rin kayong yakap!” Kasunod na noon ang palagian niyang tanong kung kailan ako uuwi para magkasama-sama na kami. At tuwing matatapos ang pag-uusap naming mag-ama ay sasabihin niya ang, “I love you, ‘Tay.” Akala ko noon habambuhay kong maririnig ang katagang iyon mula sa kanya. Panandalian lang pala. Panandaliang saya na mabilis na ibinigay at inagaw sa akin ng tadhana.

Tatlong taon din ako sa Amerika. Tiniis ko ang tatlong taong malayo sa aking mag-ina para kumita ng mas malaki sa ibang bansa nang sa gayon ay makapagpatayo ako ng sarili kong  Child Care Center for Special Children sa Pilipinas. Iyon ang naisip ko noong paraan para masigurado ko ang kinabukasan ng pamilya ko. Pero ngayon, wala na ring silbi ang pangarap kong iyon. Kasama na iyon sa nawala sa akin nang maiwan akong mag-isa.

Bago ako maging emosyonal muli ay lumabas na ako ng silid na iyon, bitbit ang teddy bear ni Jerika.  Lumabas na rin ako ng bahay at naglakad patungo sa simbahan. Ilang kanto lang ang layo ng simbahan sa aming bahay.  Mag-isa kong nilakbay ang daan habang napapaligiran ako ng mga kumpletong pamilyang naglalakad din patungo sa simbahan. Masaya silang lahat, nagtatawanan at nagkukulitan. Hindi ko maiwasang mainggit. Marahil ay ganon din kasaya sana ang buhay namin ni Cherie at Jerika kung hindi sila kinuha sa akin ng pagkakataon sampung taon na ang nakakalipas. Tumungo na lang ako para maiwasang makita ang kasiyahan ng ibang tao ngayon panahon ng Kapaskuhan.

 Pumasok na ako sa simbahan. Ibang-iba na rin ang simbahan dito sa amin ngayon. Bagong pintura ang kabuuan ng simbahan. May mga wall paintings na rin. Hindi pa ganong kaganda ang simbahan na ito nang huli akong nakapasok dito. Matagal-tagal na rin iyon. Nakahanap ako ng magandang pwesto at maya-maya lang, nagsimula na rin ang misa. Taimtim na nakinig ako at nakibahagi sa misa. Sa kabila ng napakaraming masasakit na naranasan ko sa buhay, isang bagay lang ang hindi   nawala sa akin…ang paniniwala ko sa Diyos.

Inanunsyo na ng pari ang komunyon. Nakiisa ako sa mga pumila sa gitnang pasilyo ng simbahan. At dahil halos matagal ng magkakapitbahay ang laman ng simbahan na iyon, hindi maiwasan na halos magkakakilala ang mga tao.

Hindi ako nakatakas sa tsismis.

“Di ba siya si Noel? Aba’y nakalaya na pala siya ano?” sambit ng isang Ale. Hindi ko na matandaan ang pangalan ng ginang na iyon pero ang tanda ko ay nagtatrabaho iyon sa panaderia ng barangay.

“Ay oo, si Noel nga iyan. Ang balita ko nung isang linggo lang nakalaya iyan. Nabigyan ng amnesty ng pangulo,” tugon naman ng aleng katsismisan nito.

“Tingnan mo nga naman ang swerte. Pati mamamatay tao, nakakalaya din naman.”

Piniglan ko ang sarili kong maapektuhan sa narinig. Umiling-iling pa ako. Bakit ba nagsimba pa ang mga ito? Nasa loob pa sila ng simbahan pero gumagawa na agad sila ng kasalanan.

Oo isa akong bagong laya. Oo pumatay ako ng tao. Pero walang nakakaalam sa tunay na mukha ng pinagdaanan ko kundi ang langit.  Nagkamali ako noon nang ilagay ko sa kamay ko ang hustisya sa pagkawala ng mag-ina ko. Ngunit hindi ibig sabihin noon na masama akong tao. Lahat ng tao ay may mabuting ugali at masama. Nagkataon lamang na ang huli ang nanaig sa akin noong bawiin ko ang hustisya kay Gino. Wala rin akong pinagsisihan sa ginawa ko. Kulang pa iyong kapalit ng buhay ng mag-ina ko. Kaya nga sumuko ako sa pulisya at inamin ko ang kasalanan ko. Hindi ako natakot makulong dahil alam kong wala rin namang silbi ang buhay sa labas ng rehas. Inagaw na ng langit ang tanging rason ko para mabuhay.

Sampung taon sa rehas. Nasaksihan ko at naranasan ang lahat ng pinagdadaanan ng bawat bilanggo. Araw-araw na rambol at pagkakakulong sa bartolina, araw-araw na pakikisalamuha sa kapwa preso, araw-araw na salamin ng kawalang pag-asang magbago. Akala ko rin hanggang bilangguan na lang ako. Ngunit heto ako ngayon, laya na sa rehas ngunit bilanggo pa rin ng nakaraan.

Marami pang pinagtsismisan tungkol sa akin ang dalawang ale sa harapan ko. Pabulong-bulong pa sila pero naririnig ko naman. Wala naman akong mapagkakaila. Totoo naman, isa akong kriminal. At kahit pa magbago ang isang kriminal, habambuhay ng kriminal ang tingin sa kanya ng lipunan…habambuhay na akong kriminal sa mata ng mapanghusgang lipunan, isang napakasaklap na katotohanan. Winalang-bahala ko na lang  ang mga bagay na iyon at tahimik na tinanggap ang ostia at taimtim na tinapos ang misa.

Muli, naulit ang eksena kanina. Sa paglabas ko ng simbahan ay nakasabay kong muli ang masasayang pamilya. May masaya silang Pasko. Paano pa kaya ang Pasko ko? Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni nang makita ko ang isang dalagita na nakaupo sa gilid ng kalsada. Nakasubsob sa ulo niya sa sariling tuhod. Mukhang nilalamig na siya dahil nakasuot lang ito ng bestida. Napahinto ako at pinagmasdan ang bata. Sa tantya ko, magkasing-edad na siguro sila ni Jerika kung buhay lang ang anak ko. Mga labinlimang taon siguro ang dalagitang ito.

Napailing ako. Lahat na lang ata sa paligid ko ay magpapaalala sa akin ng nakaraan. Kelan pa kaya ako makakalaya sa pagsubok na ito? Ipagpapatuloy ko na lang sana ang paglalakad pauwi nang may mapansin ako sa dalagita. Tumunghay siya at nagbabadyang iiyak. Inobserbahan ko muna siya. At pagkatapos ng ilang minuto, nakumpirma ko ang hinala. Ang dalagitang iyon ay isang special child. Napagpalinga-linga ako sa paligid. Nasan kaya ang kasama niya? Bakit iniwan na lang  siyang nag-iisa? Muling niyakap ng dalagita ang kanyang tuhod.

Nilapitan ko siya at yumuko ako sa harap niya. Ngumiti ako at kinawayan ko siya habang hawak ko sa kamay ang teddy bear ng anak ko. “Hello!”

Nakita ko ang amusement sa mga mata niya. Ngunit saglit lang iyon. Agad din siyang tumungo at niyakap ng mahigpit ang kanyang mga binti.

“Ako si Teacher Noel. Anong pangalan mo?” Teacher Noel. Sa loob ng maraming taon, ngayon ko lang uli pinakilala ang sarili ko bilang Teacher Noel. Ang batang itong nasa harap ko, muli niyang pinaalala ang dating misyon ko sa buhay…ang maging gabay ng mga batang may kapansanan sa mentalidad na pinagkaitan ng tadhana ng normal na buhay.

Umiling-iling ang dalagita.

“Wag kang matakot sa akin. Alam mo ba, maraming tulad mo ang nakausap ko?” sunod na sambit ko.

Tumunghay siya at tiningnan lang ako. Baka hindi rin siya nakakapagsalita. Muli ko siyang tinanong at nag-sign language…nagbabakasakaling maunawaan na niya ako.

“Ako si Teacher Noel. Nagtuturo ako sa mga katulad mong espesyal na mga bata. Anong pangalan mo?”

Muli ay tinitigan lang niya ako. Mukhang maging ang dati kong charisma sa mga special children ay naglaho na rin. Ibig sabihin ba noon ay hindi ko na rin pwedeng balikan ang dati kong propesyon?

Binalingan ko ang bata. Niyakap niya ang sarili. Isinuot ko sa kanya ang sweater ng asawa ko. Pagkatapos ay nginitian ko siya. “Sweater iyan ng asawa ko. Sa’yo na lang para hindi ka lamigin.” 

Muli ay nakatitig lang siya sa akin. At dahil pakiramdam ko ay hindi ko naman siya mapapaimik ay tumayo na ako. Kumaway uli ako ng pamamaalam sa kanya at naglakad palayo.

Maraming bagay ang tila nagsibalikan at gumugulo sa isip ko ngayon. Anong gagawin ko ngayong laya na ako?  Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip nang may humila sa laylayan ng t-shirt ko. Ang dalagita sa may simbahan  ang bumungad sa akin nang lumingon ako.

“Bait po kayo kasi bigay nyo sa akin ‘to,” sambit niya na parang bata.  Ang tinutukoy niya ang sweater. 

Napangiti ako. “Anong pangalan mo?”

“Love Joy. Hanap ko po tatay ko. Sabi niya kasi bili lang siya ng damit ko pero di na siya bumalik.” May kinuha siya sa bulsa nito. Isang larawan at iniabot sa akin. “Kilala nyo po ba siya?”

Natigilan ako sa nakita sa larawan. Mapagbiro nga siguro ang tadhana dahil ang ama na tinutukoy niya ay ang taong naging instrumento para sa tuluyang pagkasira ng buhay ko. “Gino…” pabulong kong sambit.

“Hanap ko siya kasi di na siya uwi. Kita ko siya higa sa malaking kahon dati. Tagal na iyon tapos di na siya balik.”  Nalungkot ang mukha ni Love Joy. Hindi ko naiwasang maawa dito.

Anong ginawa ko? Wala akong pinagkaiba kay Gino. Kung sinira niya ang buhay ko…ang pamilya ko, sinira ko rin ang buhay niya at ang pangarap ng inosenteng batang ito. Walang nanalo sa pagitan naming dalawa ni Gino. Pareho kami talunan ng sitwasyon.

“Sinong kasama mo?” tanong ko kay Love Joy.
          

         Umiling ito. “Wala. Alis ako ng bahay hindi alam ni nanay.” Inagaw nito ang larawan sa kanya. 

         “Hanap ko pa tatay para may surpresa ako kay nanay.”
         
         Akmang aalis na ito pero pinigilan niya. “Saan ka pupunta?”

            Gabing-gabi na. Bagama’t maraming tao sa kalsada, delikado pa rin ang daan para sa isang dalagita na may kapansanan sa pag-iisip.

            “Hanap ko, tatay!”

            “Hindi. Ihahatid na lang kita sa inyo.”

            “Ayaw!”

            “Ibibigay ko itong teddy bear sa’yo pag pumayag ka.”

            Nagtatanong na tiningnan niya ako bago niya kinuha ang teddy bear at kumapit sa braso ko.  Inihatid ko siya sa lumang barong-barong-barong nila kahit di ako sigurado kung doon pa rin nakatira ang pamilya niya. Habang naglalakad kami sa eskinita ay tila bumabalik sa aking gunita ang nakaraan. Ang gabi nang magdilim ang aking paningin at inilagay ko sa aking kamay ang hustisya sa traidor na kaibigan na nagkataong ama ng dalagitang nakakapit sa braso ko ngayon.

            Nakita ng mga mata ko kung paano walang awang pinagbabaril ni Gino ang mag-ina ko noong araw na umuwi ako galing Amerika. Isang walang kwentang dahilan ang sinabi niya sa akin kaya niya iyon nagawa. Nangailangan lang daw siya ng pera. Pinagnakawan niya ang bahay ko…at kasama na sa ninakaw niya ay ang buhay ng mag-ina ko.

            Hindi ko na hinintay ang  hukuman. Isang linggo pagkalipas ng libing ng mag-ina ko ay tinambangan ko sa eskinitang iyon si Gino. Siningil ko siya sa buhay na kinuha niya sa akin. At kahit napatay ko na siya, tagos pa rin sa buto ang galit na nararamdaman ko sa kanya.

            Nagbalik ng lahat sa puso at isipan ko. Huminto sa paglalakad si Love Joy kaya napalingon ako sa kanya. Sinenyasan niya ako yumuko.  Tinitigan ako ng inosente niyang mga mata. Laking gulat ko na lang nang hawakan niya ang pisngi ko at pinunasan ang luhang di ko namalayang lumandas mula sa aking mga mata.

            “Bakit ka po iyak?” tanong niya.

            Sasabihin ko bang dahil pinatay ng tatay niya ang mag-ina ko? Dahil ako ang may kasalanan kung bakit wala siyang ama ngayon? Bakit nga ba ako umiiyak?

            “Napuwing lang ako, anak! Tara, hinahanap ka na ng nanay mo sigurado.”

            Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa barong-barong na tirahan ng pamilya ni Gino. Binuksan ni Love Joy ang pinto.

            “Nanay! Inihatid ako ng mabait na mama!” sigaw niya. Nilingon niya uli ako. “Ano nga palang pangalanan nyo po uli?”

            “Teacher Noel.”

            “Si Teacher Noel, ang bait bait. Lungkot mata niya, iyak siya pero bait!” sambit niya sa kausap. Pinagpalagay kong andun ang nanay niya. Ano kayang sasabihin ni Alleli kapag nakita niya ako?

            Mapaglaro talaga ang tadhana.

            Maya-maya ay kumuha si Love Joy ng tasa, nilagyan iyon ng tubig galing sa tapayan at ibinigay sa akin. “Kape po.”

            Ngumiti lang ako at magiliw na tinanggap ang tasa. Naiwan akong mag-isa dahil pumasok sa silid si Love Joy. Nagpalinga-linga ako sa maliit na barong-barong na iyon. Parang ang tahimik at walang ibang tao kundi kaming dalawa.

            Pagbalik niya ay may dala siyang manika. Iniharap niya sa akin ang gusgusing manika. “Siya po ang nanay ko. Nay, siya po si mabait na Teacher Noel.”

            “Love Joy, anak!” May kumatok sa pinto. Agad namang binuksan niya iyon at tumambad sa amin ang kapitbahay nila.

            Sa akin unang tumapon ang paningin ni Manang Yasmin at tila gulat na gulat ito sa akin na animo’y nakakita ng multo.   Agad din nitong niyakap si Love Joy palayo sa akin.

            “Anong ginagawa mo dito, Noel? Anong balak mo sa bata? Wag mo na siyang idamay sa nangyari sa inyo nina Gino noon.”

            “Wala po akong balak na masama,  Manang. Nakita ko po kasi siya sa simbahan, nag-iisa, giniginaw. Inihatid ko lang po siya.”

            Ang nagdududang tingin ng ginang ay napalitan ng seryosong mukha.

            Niyaya ako ng ginang na mag-usap kami sa labas ng bahay. Iniwan namin sa loob si Love Joy.

            “Mabuti kang tao, Noel. Pero hindi ko maalis ang mag-alala. Nagawa mo na noong…”

            “Pumatay.” Ako na ang nagtuloy sa sasabihin niya. “Opo, hindi ko po iyon ipagkakaila. Napagbayaran ko na po iyon sa bilibid. At inuulit ko po, wala akong balak na masama kay Love Joy. Maraming pwedeng mangyari sa loob ng sampung taon. Tanggapin man ng lipunan o hindi, maging kaming tinatawag nyong kriminal ay pwedeng magbago rin.”

            “Napatawad mo na ba si Gino?” bagkus ay tanong niya.

            Umiling ako. “Sinusubukan ko po. Gusto ko na pong magbagong buhay.”

            “Napatawad mo na ba ang sarili mo?”

            Umiling uli ako. Iyon ang pinakamahirap na parte ng pagdurusa ko. Kahit kailanman, hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Kung hindi lang ako nahuli ng uwi nang araw na iyon, hindi mapapaslang ni Gino ang mag-ina ko. Kung hindi napuno ng poot ang aking puso ay hindi ko magagawang mapatay ang sarili kong kaibigan. Eh di sana’y may ama pa ngayon si Love Joy. Ako. Ako ang may kasalanan sa lahat.

           
            “Sinabi sa sermon ng pari kanina. Patawarin mo daw ang iyong sarili, patawarin mo ang iyong kapwa at papatawarin ka ng Poong Maykapal.”

            Tumango lang ako. “Manang, nasaan po si Alleli?” Iyon na lamang ang tinanong ko.

            “Wala na siya. Natagpuan siyang walang buhay sa loob ng bahay na iyan limang taon na ang nakakalipas. Ulila na si Love Joy. Nagpapalitan na lang kaming magkakapit-bahay para pakainin, paliguan at alagaan siya.” Bumuntong-hininga siya habang pareho naming pinagmamasdan si Love Joy na naglalaro sa loob ng barong-barong. “Pareho kayo. Ikaw at si Love  Joy, pareho kayong sabik sa pagmahahal. Pareho kayong naulila.”

            Pareho nga kami. Pareho din kaming walang kasiguraduhan ang kinabukasan. Pareho kaming produkto ng hagupit ng nakaraan. Ngunit kung wala na siyang magagawa pa sa kalagayan niya, ako meron. May magagawa pa ako para kay Love Joy.

            “Manang, pwede ko po bang…”

            Ngumiti ang ginang, waring alam ang iniisip ko. At kahit di ko pa tapos ang sasabihin ko ay sumabad na siya. “Palaging may pagkakataon na binibigay Diyos para makapagbagong buhay ang isang tao.”

            Ngumiti ako. “Salamat po.”

            Matapos ang aming pag-uusap ay binalikan ko sa barong-barong si Love Joy.

            “Love Joy, anak. Iyong tatay mo…”

            “Sa langit daw po siya nagpunta at hindi na babalik sabi ni nanay.” Binalingan niya ako. “Pati si inay hindi na rin babalik.”

            “Gusto mo ba ng bagong tatay?”

            Ngumiti siya at yumakap sa akin.

            Desidido na ako. Dito ako magsisimula. At ang mga susunod na araw ay ilalaan ko sa bago kong buhay sa piling ng bago kong anak.




WAKAS

Comments

Anonymous said…
if God forgive us 70x7 how much us? Hindi porke't naging kriminal ang isang tao walang nang pag-asa magbago. Lahat may dahilan, may rason or choice bat ganoon ang naging actions nila. Nagkataon lang na maling choice ang nagawa nila, pero dapat we should give them chance to change for better. Teacher Noel you deserve to be happy inspite pa sa nagawa mo. Now you have a chance go move on.. Forgive & forget, kahit sabihin na mahirap. That will lead u to your happiness & peace of mind. Yan nag tadhana mo...nice one Melai
kiz said…
super gAnda ng kwento ate.. :) very touching..

Most Popular Posts

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…