Skip to main content

Let The Reason Be Love- Chapter Two




Malamig ang simoy ng hangin ng Tagaytay. “Wow, ang sarap sa pakiramdam!” Idinipa niya ang mga kamay para salubungin ang hangin habang nakatingin sa Taal view ng Himalayan Resort. Kasalukuyan siyang nasa may dulong bahagi ng resort na parang isang mini park. Alas-sais pa lang ng umaga kaya mahamog pa ang paligid, malamig ang temperatura at wala siyang makitang ibang tao roon. Sa pagtagal ng panahon ay unti-unti na niyang nakakalimutan ang ex niya. Ngunit sa tuwing sasagi sa isip niya ito, umiiyak pa rin siya.

                Napabuntong-hininga siya bago maglakad papunta sa railing malapit sa bangin.  Humampas muli ang hangin kaya idinipa muli niya ang mga braso. “I’m the Queen of the World! Yehbah!”

                “A beautiful queen of the world!” 

                Agad niyang ibinaba ang braso at nilingon kung sino ang nagsalita. Nagulat na lang siya nang makita si Keijin sa tabi niya. Ganon na ba siya kapraning at hindi niya namalayan ang pagdating nito? Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit siya nakikipagtitigan dito ngayon. Umiwas siya ng tingin.

                “Keijin! Anong ginagawa mo dito?”


                “Aba, kilala mo pala ako by nickname. Ganon ba ako kasikat sa school noon? Anyway, nabalitaan ko na sa buong Tagaytay, dito daw sa Himalayan Resort matatagpuan ang pinakamalalim na bangin.”

                Kumunot ang noo niya. Sabi na nga ba. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tinatantanan nito ang pagpapatiwakal. “So, may balak kang tumalon diyan? Ganon?” Itinuro pa niya ang bangin.

                “Yup. At ‘wag mo akong pipigilan okay,” tugon nito.

                “Wala akong balak pigilan ka.”

                “Good! Ikaw anong ginagawa mo rito?”

                “Bakasyon.”

                “Ahh.. Pwede bang umalis ka muna dito? Kasi baka pagbintangan ka pa na itinulak mo ako sa bangin kaya ako nahulog. As I said before, ayokong madamay ka,” kampanteng litanya nito.

                Nasapo niya ang noo. “Hindi ka ba nagsasawa sa ilang attempt mo’ng pagpapakamatay? Eh hanggang ngayon naman buhay ka pa rin.”

                “Sabi ko, ‘wag mo akong pipigilan. Mahirap ba iyong pakiusap ko?” Nagtagpo ang mga mata nila nang muling balingan siya nito. Bakas sa mga mga nito ang labis na kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

                “’Pag tumalon ka dyan, maglalasug-lasog ang katawan mo. Sasabog ang utak mo. Kung mamalasin ka pa nga, baka maglabasan din ang internal organs mo. Tapos, pagpipiyestahan ka ng mga langaw, ipis, o mga ibon! Yuck! Gusto mo bang ganon ka ka-chaka ‘pag binurol ka?” Muntik na siyang mapatawa nang makitang napangiwi ito sa sinabi niya.

                “Eh di, ipapa-crimate na lang ang katawan ko,” pakli nito.

                “Maaatim mo bang sunugin nila ang katawan mo? Na wala kang maiwang alaala kahit kalansay man lang?” sunod na tanong niya. Salamat sa pagiging Pyschology Graduate niya. Unti-unti na niyang napipigilan itong magpakamatay na hindi nito namamalayan.

                Napakamot ito sa ulo. “Wala naman akong pag-iiwanan ng kalansay ko. Patay na nga sila di ba? Okay lang siguro kung gawin na lang akong abo o fertilizer,” seryosong sambit nito.

                “Okay sige. Mataas ba ang pain tolerance mo?”

                “Huh?” kunot-noong untag nito. “Kailangan ko ba iyon?”

                “Oo naman, kailangan mo iyon! Mababalian ka na ng buto habang nahuhulog ka pa lang. Masakit iyon. Tapos mag-endure ka pa ng pain pagsalya mo sa puno o sa bato o sa lupa. Sobrang sakit noon!”

            “Ganon ba iyon? Akala ko nawawalan na ng malay habang nahuhulog kaya wala ng mararamdaman,” anito.

                “Sinong may sabi no’n sa iyo? Ginoyo ka lang no’n. Sige maiwan na kita. Happy suicide!” At iniwan na nga niya itong nakatulala at waring napapaisip sa mga pinagsasabi niya. Habang papaalis siya ng lugar ay lihim rin siyang nanalangin na sana ay hindi ituloy ng binata ang pagpapatiwakal.

               
                MATAPOS makapagtanghalian ay lumabas siya ng resort para mamili ng pasalubong para kina Lan-lan. Wala naman siyang nabalitaang nagpakamatay sa Himalayan Resort kaya nakakasigurado siyang hindi itinuloy ni Keijin ang pagpapakamatay. Buti naman, sayang naman ang kagwapuhan niya kung makikipag-eyeball siya agad kay San Pedro.

              Bitbit ang dalawang plastic bags ng pasalubong, masayang bumalik si Opalyn sa resort. Kampanteng tinatahak niya ang hallway nang mamataan niyang nakatayo sa tapat ng pinto ng kanyang silid si Keijin. Nakatungo ito at waring bubwelo kung paano kakatok. Nang maramdaman nitong paparating na siya ay tumunghay ito at napabaling sa kanya. She was greeted with his lonely but admirable handsome face.

             “Ahm, as you can see, hindi na naman ako natuloy sa balak ko,” bungad nito nang hustong makalapit siya.

                “Wala akong kasalanan dyan. Hindi naman kita pinigilang tumalon. Binati pa nga kita ng ‘happy suicide’ di ba?” tugon niya.

                “Hindi naman kita sinisisi, Opalyn.”

                “So, anong ginagawa mo sa tapat ng kwarto ko?” tanong niya. Isinaksak niya ang susi sa door knob at binuksan ang pinto ng kwarto niya. Pumasok siya at ipinatong sa mesa ang dalang plastic bags. “Ano na? Hindi mo ba sasagutin ang tanong ko?” Binalingan niya ang pinto at natagpuan niya si Keijin na prenteng nakasandal ang likod sa hamba ng pintuan. Nakamasid lang ito sa ginagawa niya. Agad siyang nakaramdam ng pagkailang. Hinagilap na lang niya ang dalawang plastic bags.

                “Sabi ng kaibigan mong si Cess, niloko ka daw ng lalaki kaya ka andito. Ikakasal ka na raw dapat noong araw na nagkita tayo sa cemetery.”

                Natigilan siya sa paghahalakwat ng mga pinamili. Binalingan niya ito. “So, nakipagkwentuhan ka na pala kay Cess. Oo nga, ganon nga ang nangyari sa akin. Lahat ng tao may problemang matindi. Hindi lang ikaw ang namomroblema sa mundo.”

                “Anong ginawa sa iyo ng ex mo para magawa mong ilibing siya sa cemetery at magwala ka sa Tacsiyapo wall?”

                Nagpanting na ang tenga niya. Masyado pang sariwa sa isipan niya ang mga pangyayari. Ayaw niyang maiyak na naman. “Tumikim siya ng ibang putahe, tatlong araw bago ang aming wedding date. Ganyan naman talaga kayong mga lalaki,” malungkot na sambit niya.

                “Ibahin mo ako. Ni minsan ay hindi ako tumingin sa ibang babae maliban sa asawa ko. At kahit malaya na ako ngayon, hindi ko pa rin kayang pagtaksilan ang asawa ko. Hindi pa rin ako tumitingin sa ibang babae,” sambit nito. Bumakas sa mukha nito ang matinding lungkot at pangungulila.

                “Sana lahat ng lalaki katulad mo. Kaso hindi. Mas marami ang gago kaysa mababait tulad mo,” aniya.

                “Sana makakita ka ng lalaking magmamahal sa iyo ng totoo. Mabait ka. Kahit di mo ako kaibigan ay pinagtitiyagaan mo ang litanya ko,” sambit nito sabay ngiti. Ngunit sa kabila ng mga ngiting iyon, alam niyang lubhang nahihirapan ito sa pagsubok na pinagdaraanan.

                “Hindi ko rin alam kung bakit nakikinig ako sa iyo,” tugon niya.

                Ngumisi ito. “May itatanong nga pala ako. Sa tingin mo alin ang mas effective? Sleeping pills o muriatic acid?”

                Magpapakamatay ka na naman? “Wala. Kapag uminom ka ng sandamakmak na sleeping pills, baka magising ka pa rin. Kapag muriatic acid naman, masusunog lang baga mo, pati bibig mo. Ang pangit no’n kapag sinilip ang mukha mo sa kabaong. Sayang lang ang gandang lalaki mo.” Huli na nang ma-realized niya ang sinabi. Napaiwas siya ng tingin.

                “Nagagwapuhan ka sa akin?” untag nito.

                “Heh, hindi! Sinabi ko lang iyon.”

                “Ows?”

                Itinulak niya ito palabas at akmang isasara ang pinto. “Pagsabayin mo na lang kaya ang sleeping pills at muriatic acid? Ipanligo mo na rin kung gusto mo!” asik niya. At tuluyang isinara ang pinto.


                NAGKUKWENTUHAN sina Opalyn at Cess sa mini park ng resort nang may isang personnel na humahangos na lumapit sa kanila.

                “Ma’am Cess, iyon pong umuupa sa room 617, nagtangkang magbigti!” natatarantang sambit ng babaeng houskeeper ng resort.

                “What? Baka si Keijin iyon!” sambit ni Opalyn. Nagmadali silang puntahan ang nasabing silid.

                Hindi nga siya nagkamali. Naabutan nila sa kwarto ang ilang security staff at ang manager ng resort na kasalukuyang sinisinghalan si Keijin na nakalupagi sa sahig sa isang sulok at nakasubsob ang mukha sa yakap-yakap na tuhod. Hawak ng manager ang nakapulupot na alambre. Mukhang hindi makalapit ng husto ang manager dito.

                “’Tol, naman! Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na hindi pagpapakamatay ang solusyon! Pare, isang taon na! Utang na loob, tulungan mo naman ang sarili mong kumawala sa sitwasyong iyan!” Narinig niyang singhal ng manager kay Keijin. Malamang, malapit na magkaibigan ang dalawa.

                “Isa lang naman ang pakiusap ko sa iyo pare di ba? Just let me go. Let me die!” sagot ni Keijin. Tumunghay ito at tumambad sa kanilang lahat ang mukha nitong basang-basa na rin dahil sa pagbuhos ng luha sa mga pisngi nito. “Hirap na hirap na ako,” humihikbing sambit nito.

                May kung anong kumurot sa puso niya. Parang gusto niyang yakapin ito, damayan, at i-console. Alam niyang problemado rin siya ngunit lalo lamang pinapaalala sa kanya ni Keijin na mas maswerte pa rin siya kumpara sa pinagdaraanan nito.

                “No!” malutong na sambit ng manager.

                “Bakit ba hindi mo ako maintindihan, Nathan?” tanong ni Keijin.

                “Naiintindihan kita pero mali pare ang tumakas.” Tinangka ng manager na lapitan si Keijin ngunit nang-amok ito.

                Nagimbal silang lahat nang damputin nito ang isang swiss knife at akmang isasaksak nito sa sariling lalamunan.

                “’Wag Keijin!” bulalas niya.

                Saka lang sila napansin ng mga tao roon. Napunta  tuloy sa kanya ang atensyon ng mga ito.

                Natigilan si Keijin at mataman siyang tinitigan na pawang may kung anong binabasa sa kanyang mga mata. Nakakatunaw ang mga titig nito na biglang nagpakaba sa kanya. Napansin niyang dahan-dahan nitong inilayo sa leeg ang patalim.

                “Di ba’t sabi ko sa iyo na ‘wag mo akong pipigilan? Bakit ba palagi ka na lang sumusulpot kapag nagpapakamatay ako?” tanong ni Keijin sa kanya.

                 Bigla siyang natauhan. Tumikhim siya. “Well, hindi naman kita pipigilan sa pagpapakamatay mo, Keijin. Ang sa akin lang, maawa ka naman sa maglilinis ng kwarto na ito.”

                Siniko siya ni Cess at saka binulungan. “Gaga, ano ba iyang pinagsasabi mo?”

                “Tumahimik ka lang diyan. Ako’ng bahala,” pasimpleng bulong din niya sa kaibigan.

                Muli niyang binalingan si Keijin. “Look, Mr. Ezekiel Jin Uzen.” Itinuro niya ang carpeted na sahig. “Alam mo bang napakahirap maglinis ng namantsahang carpet? Maaatim mo ba na mahirapan ng husto ang maglilinis ng kwarto na ito kapag naagusan na ng dugo mo ang carpeted na sahig?”

                Natahimik ang lahat. Marahil ay nagtataka na rin ang mga tao roon sa mga pinagsasabi niya. Hindi niya inalis ang paningin kay Keijin na nakikipagtitigan din sa kanya.

                Inilahad niya ang kanyang kamay dito. “’Akin na iyang swiss knife mo.”

                “Ayoko! Niloloko mo lang ako.” Inilapat ulit nito ang patalim sa leeg.

                “Keijin naman!” Akmang susugurin na ni Nathan ang kaibigan para agawin ang patalim nang pigilan niya ito. “Miss, ‘pag  namatay ang kaibigan ko, malalagot ka sa akin,” banta nito sa kanya.

                “Don’t worry, Sir. I know what I’m doing,” tugon niya.

                Bumuntong-hininga siya bago unti-unting nilapitan si Keijin. Mataman pa ring nakatitig lang ito sa kanya. Bakas pa rin sa mga mata nito ang sobrang lungkot at kawalang pag-asa. Hindi alam ni Opalyn kung tama ba ang ginagawa niya pero batid niyang kailangan niyang mailayo pansamantala ang binata mula sa tukso ng pagpapakamatay.

                “Akala ko ba, hindi mo ako pipigilan? Bakit lumalapit ka na?” tanong nito.

                Hindi siya sumagot bagkus ay nagpatuloy siya sa paglapit dito. Lumuhod siya sa tapat nito nang hustong makalapit siya. Napansin niya sa tabi nito ang bote ng muriatic acid na parang may lumulutang na tabletas. Napailing siya. Desperado na talaga ito. Walang ka-effort-effort na kinuha niya ang patalim sa kamay nito. Nagtaka na lang silang lahat dahil hindi man lang nagpumiglas si Keijin at kusa na ring binitawan ang patalim.

                Iniabot niya kay Nathan ang patalim at muling binalingan si Keijin. “Huwag ngayon, Keijin.”

Tatayo na sana siya nang pigilan siya nito. Hinawakan nito ang kamay niya. Sa di mawaring dahilan ay kumabog ang puso niya. “Opalyn, paano mo ako napapasunod ng ganito?”

Hinarap niya ulit ito at marahang pinawi ang mga luha nito sa pisngi. “Hindi ko alam ang sagot diyan. Magpahinga ka na muna. Tama na pagpapahirap mo sa sarili mo.” Tumango lang ito.
            
           Dumating na ang doctor na tinawagan ng mga staff ng resort. Inasikaso na nila si Keijin. Tinurukan ito ng pampakalma. At makalipas ng ilang minuto ay nakatulog na ito.



PREVIOUS                                                                         NEXT

Comments

Most Popular Posts

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…