Skip to main content

Let The Reason Be Love- Chapter Seven




Nagpabali-baliktad na si Opalyn at nagpagulong-gulong pa sa kama pero hindi pa rin dapuan ng antok. Hindi mawala sa isip niya ang eksenang nangyari kanina. Ang pagyakap ni Keijin sa kanya, ang simpleng halik nito sa pisngi niya, at ang mga mata nitong palaging nakatitig sa kanya ng may buong pusong pag-aalala. Mapapaniwala na niya sana ang sariling drama lang ang lahat ng nangyari sa supermarket. Kung bakit kasi niyakap pa ulit siya nito habang umiiyak siya. Ayan tuloy, di niya maiwasang umasa na magkapuwang siya sa puso nito. Parang tumigil ang mundo noong yakap siya nito habang umiiyak siya. Pawang nasaulo na niya ang malakas at mabilis na pintig ng puso nito habang nakayukyok siya sa dibdib nito. At hindi rin mawala sa isip niya ang amoy ng pabango nito.

Idagdag pa ang pananakit ng mata niya na sinabayan pa ng ulo niya. Medyo nag-iiba na rin ang temperatura niya at ang lalamunan niya ay bahagyang nananakit na rin. May sintomas na siya ng trangkaso. Kaya bago pa lumala ng husto ang nararamdaman niya, pinilit niyang bumangon at pumunta sa kusina para uminom ng gamot.


Nang bumalik siya sa kwarto ay nakita niya ang cellphone niya na umiilaw, senyales na may tumatawag. Naka-silent mode nga pala ang cellphone niya kaya kanina pa siyang walang ring na naririnig.
Dinampot niya ang cellphone sa bedside table sabay higa sa kama. Naramdaman niya ang pamilyar na pagbilis ng tibok ng puso niya nang rumihistro ang pangalan ni Keijin sa screen ng cellphone niya. 

Naramdaman niya ang pagpintig ng ulo niya kasabay ng pagsakit ng mata niya kaya napapikit siya. Sinagot niya ang tawag.

“Hello?”

“Opalyn! Bakit ngayon mo lang sinagot ang tawag ko? Kanina pa akong tumatawag sa iyo ah. Alalang-alala na ako sa ‘yo,” patutsada agad ni Keijin.

“H-ha?” parang umere na naman ang utak niya. Bakit ba ganito ang lalaking ito?! Sana hindi ka na lang nagpapa-sweet Keijin eh! “Ah…a-ano. Naka-silent kasi ang phone ko.” Napaubo siya ng wala sa oras. 

“Opalyn…” Nahimigan niya ito ng pag-aalala. “Is there something wrong? May sakit ka ba?”

“W-wala. Wala akong s-sakit!” nangangatal na ang boses na tugon niya dahil sa hindi magandang pakiramdam. Umeepekto na rin kasi ang gamot kaya inaantok na siya. Hinagilap niya ang kumot at ibinalot ang sarili para labanan ang lamig.

“Opal-”

“Inaantok na ako, Keijin.”


BANDANG alas-sais ng umaga nang magising si Opalyn. Magaan na ang pakiramdam niya kumpara noong nagdaang gabi. Buti na lang at naagapan ng gamot ang lagnat niya. Kung nagkataon, mahihirapan siya. Nag-iisa lang kasi siya sa bahay at walang ibang mag-aalaga sa kanya. Nasa Batangas ang pamilya niya.

Napabalikwas siya ng bangon nang maulingang may nag-iingay sa may kusina ng bahay niya. Dali-dali siyang naghilamos sa banyo at nagsuklay. Dahan-dahang niyang binuksan ang pinto at pinakiramdaman ang paligid. Agad niyang naamoy ang mabangong sinangag kasabay ng pagkalansing ng mga kubyertos sa kusina niya. May ibang taong nakapasok sa bahay niya at nakikiluto pa!

Hinagip niya ang drawer sa may pinto at kinuha ang balisong na niregalo ni Lan-lan sa kanya noong lumipat siya ng bahay. Lumabas siya ng kwarto at dumiretso sa kusina.

Nakahanda na ang balisong niya kung saka-sakaling masamang tao ang nakigamit ng kusina niya. “Hoy! Paano ka nakapasok sa bahay ko? Keijin?” Napakunot ang noo niya nang makilala ang akyat-bahay niya na naghahalo ng sinangag na nakasalang pa sa gas stove. “Anong ginagawa mo dito?” Agad niyang itiniklop ang balisong at isinilid sa bulsa ng jogging pants na suot niya.

Nakangiting nilingon siya nito. “Ay, good morning! Okay ka na ba?”
“Paano ka nakapasok sa bahay ko? Anong ginagawa mo dito?” Wala siyang natatandaan na nagpunta sa bahay niya kagabi ang binata. Ang naaalala lang niya ay tinawagan siya nito.

Ininguso lang nito ang mesa. Doon lang niya  napansin si Lan-lan na mataman lang nakatutok sa laptop notebook nito habang nagta-type. Binalingan lang siya ni Lan-lan at kumaway.

Nilapitan niya si Lan-lan at umupo sa tabi nito. “Can you explain what’s happening?”

“Hoy Opelya, siya ang tanungin mo ha. Biktima rin ako dito. Alam mong wala pang nakakapagpatayo sa akin mula sa kinauupuan ko once na nagsusulat na ako. Pero iyang mokong na iyan, ginamit pang bribe ang pinakamamahal kong Excel para lang makapasok siya sa bahay mo at makita kung ayos ka lang,” sambit ni Lan-lan habang nakatutok pa rin ang mata sa laptop. May duplicate ng susi ng bahay niya si Lan-lan at iba pa niyang kaibigan dahil madalas na nakikitulog ang mga ito sa bahay niya. 

Biglang may kung anong kilig siyang naramdaman. Binalingan niya si Keijin na abala naman ngayon sa pagpiprito ng  itlog.

Hinango ni Keijin ang itlog sa kawali. “Sorry naman po!” sambit nito. “Nag-alala lang naman ako. Bigla na lang kasi akong tinulugan ni Opalyn kagabi.” Bumaling naman ito sa kanya habang inihahain sa hapag ang sinangag na kanin at pritong itlog.  “Kung bakit kasi, hindi ka pa umamin na may sakit ka?”

“Kaya ko naman alagaan ang sarili ko ah!” protesta niya.

“Oo nga. Pero masisisi mo ba iyang si Keijin kung nag-aalala lang naman siya sa ‘yo?” singit ni Lan-lan. “Alas-singko ng madaling araw, binulabog niya ako para lang sa ‘yo. And hindi pa nga ako natutulog sa lagay na ito ha. Promise ni Keijin ang masarap na agahan  kasama si Excel kaya pumayag na ako. Just appreciate his effort, mare!”

Waah! Lan-lan naman! Bakit mo pa ginagatungan ang lalaking ito?! Gusto sana niyang sabihin iyon pero sinarili na lang niya. Lalo lang nadadagdagan ang kilig na naramdaman niya sa ginagawi nito. Binalingan niya si Keijin, muntik na siyang mahulog sa kinauupuan nang mahuling nakangiti ito sa kanya.  “Thank you, Keijin. Nahihiya na lang talaga kasi ako sa ‘yo. I mean, this is really too much from you. Kahapon pa kitang naabala.”

“Okay lang naman iyon. We are friends, dearest counselor di ba? Balak ko pa ngang alagaan ka, pero mukhang okay ka na naman. Buti nakainom ka na agad ng gamot,” sambit ni Keijin.

Her heart suddenly danced. Why does this guy’s so caring for her? Lalo lang tuloy siyang naguguluhan. “Paano mo nalamang uminom ako ng gamot?”

“I saw those empty medicine wrappers on your table.” Iniayos na nito ang pinggan sa mesa. Bumaling ito kay Lan-lan. “Paparating na ba ang boyfriend mo?”

“On the way na daw.” 

“So pupunta talaga si Excel ha. Akala ko nasa special ops iyon?” tanong niya.  Matapos nga naman ang ilang buwan ay nagkatuluyan din ang pulis at ang kaibigan niyang mula sa ibang planeta.

“Kararating lang niya kagabi, tapos diretsong magdamag na debriefing daw sa presinto kaya ngayon pa lang kami magkikita. Dalawang linggo na kaya kaming walang communication. Eh kahit wala pa akong tulog, wala akong pake. Gusto ko na siyang makita.”

Di niya maiwasang mapangiti sa tinuran ng kaibigan. Sa wakas, may nasabi rin itong matino. “Ibang level ka na, Lan-lan.”

Umupo si Keijin sa tabi niya. “Ganyan talaga iyon, Opalyn. Ako nga dati noong buhay pa ang asawa ko, kapag napapalayo ako nang matagal dahil sa mga business dealings namin ni Nathan, lagi na lang akong nagmamadaling umuwi. Kasi alam kong naghihintay siya sa pag-uwi ko.” Bumakas sa mukha ni Keijin ang lungkot nang maalala nito ang nasirang asawa. “Kaya noong nagtagal, isinasama ko na siya kapag aalis ako. Mahirap kasi kapag nalayo ka sa taong mahal mo.”

Hindi niya maiwasang mainggit sa dating asawa nito. If only she could also experience how loving this guy is. Nawala siya sa malalim na pag-iisip nang may kumatok sa pinto. Tatayo na sana siya nang awatin siya ni Keijin.

“Let me. Si Excel lang iyon.” Ito na ang tumayo para pagbuksan ang dumating.

Masarap nga ang luto ni Keijin. Masarap ang pagkakasangag nito ng kanin na may corn at greenpeas pa. Sinangag ng mayaman. Nagkukwentuhan silang apat habang nag-aagahan. At hindi niya maiwasang mailang habang inaasikaso siya ni Keijin samantalang si Lan-lan naman ay abala din sa pag-aasikaso sa boyfriend nito.

They really looked good together. Finally, nakatagpo na nga ng katapat itong kaibigan niya. Napalingon siya kay Keijin na nahuli niyang pasimple ring tinitingnan ang couple na nasa harap nila. Bakas sa mga mata nito ang lungkot. Sa palagay niya, naaalala nito ang dating asawa. Oras na rin siguro para iyon na ang pag-usapan nila sa counseling session nito.

Maya-maya pa’y nagpaalam na sa kanila sina Excel at Lan-lan.

“Maraming salamat sa agahan, Opalyn,” nakangiting sambit ni Excel.

“Di naman ako ang nagluto. Kay Keijin ka magpasalamat.”

Bumaling ito kay Keijin. “Pare, salamat ha. Mauna na kami. Inaantok na itong si Lan-lan eh.”

Pupungas-pungas na nga itong si Lan-lan. “Sige mare, babu.” Kumaway ito kay Keijin. “Ikaw na bahala kay Opalyn ha.”

Naiwan silang dalawa. Nagpaalam muna siya kay Keijin. “Dito ka lang muna. Manood ka ng tv kung gusto mo. Maliligo lang ako tapos babalik tayo sa bahay mo.”

“Ha? Eh, okay ka na ba? Magpahinga ka na lang kaya muna. Ipagpaliban muna natin iyong session kung di pa okay pakiramdam mo.”

Ngumiti siya. “Okay na ako. Wait there.” Umakyat na siya ng hagdan nang muli niya itong balingan. “Keijin, thank you.”

Ngumiti lang ito sabay hagip ng  remote ng tv.

“Masarap magluto sa kusina mo.”
 

KINAKABAHAN si Keijin. Di kasi siya sigurado kung kaya na nga ba niyang balikan ang nakaraan nila ng namatay niyang asawa. Sabi ni Opalyn, kailangan niyang balikan ang nakaraan para maharap niya ang present situation niya. Kailangan na niyang tapusin ang bangungot niya. Kailangan na niyang matutunang kalimutan ang mapait na karanasang pinagdaanan niya noon.

             Mabigat ang mga paa niya habang nilalakad nila ni Opalyn ang hallway papunta sa isang silid na dapat sanay nursery room ng panganay niyang anak. Doon na lang niya inilagay lahat ng gamit ng asawa niya. Mula nang mamatay ang misis niya ay hindi na niya binalikan pa ang silid na iyon. At sa loob ng mahigit isang taon, ngayon palang ulit siya tatapak roon.

Magkakahalong lungkot, takot, sama ng loob at pangungulila ang bumalot sa puso niya nang huminto sila sa tapat ng nursery room.

“Do I really have to do this?” nag-aalinlangang tanong niya.

“You need to do this, Keijin. Iwasan mo man ito ngayon, darating at darating ka pa rin sa puntong kailangan mong pasukin ang silid na iyan at balikan ang nakaraan mo.” Hinawakan ni Opalyn ang kamay niya. Somehow, It made him feel better.

Bumuntong-hininga siya. Kailangan niya itong gawin para sa sarili niya at para na rin kay Opalyn.  Nilakasan niya ang loob nang pihitin niya ang seradura at binuksan ang pinto. Malinis ang kwarto. Kahit kasi hindi niya pinupuntahan ang silid, palagi naman niya iyong pinapalinis. Nakaayos lahat ng gamit. Nasa kanang bahagi ang isang crib at sa loob noon ay puro mga stuff toys at mga laruang pambata. Sa gitna ay may kama. Sa kaliwa naman ay may malaking aparador kung saan nakatago ang gamit ng kanyang asawa. May study table din roon at bookshelves.

“Ikwento mo sa akin ang tungkol sa iyong asawa. Saan kayo nagkakilala? How’s your relationship when she was still alive? Tell me everything.”

Alam niyang alam naman ni Opalyn ang lahat ng tinatanong nito. But this was an exercise and the only way to let him pass through his misery.

  Pumunta siya sa bookshelves at kumuha ng isang magazine. Iyong ang magazine na nag-feature sa Keithan Apparels at sa kanila ni Nathan kaya nakilala ang brand ng damit na pino-produce nila.

“Marlen was a fashion mag columnist.” Binuklat niya ang portion ng magazine kung saan nakabandera ang bachelor’s pictures nila ni Nathan kaakibat ang article na sinulat ni Marlen noon. “Hinahabol-habol ako ni Marlen noon kasi desperada na siyang makakuha ng magandang write-up for her deadlines. Napag-interesan niya ang Keithan Apparels. She’s really cute while begging na pumayag kami ni Nathan na magpa-interview. At dahil attracted ako sa kanya, nagpahabol pa ako sa kanya hanggang sa pumayag akong magpa-interview kapalit ng isang date.” Napangiti siya sa naalala. “The date was so perfect. I never thought I could make someone happy as happy she was that night. Then I decided to court her, love her, fight for her. And finally, after a year and a half from our first date, we got married.

“I was so inspired and happy when she finally became my wife.” Binalingan niya si Opalyn na nakaupo sa gilid ng kama. Mataman lang itong nakikinig sa kanya. “Noon ko lang kasi naranasan na masarap palang may nag-aalaga. It’s very different from the way my mom took care of me, of course.” Pumunta siya sa mga aparador at binuksan ito. Kinuha niya ang isang photo album at iniabot iyon kay Opalyn. “She was a very loving and caring wife, something a man will ever look for.”

Binuklat ni Opalyn ang photo album. “Not to mention, Keijin, she’s beautiful.”

Tinititigan na naman niya si Opalyn habang abala ito sa pagbubuklat ng album. Patagal nang patagal ay nalilito siya sa significance nito sa buhay niya. Pawang may malalim din itong iniisip habang tinitingnan ang mga pictures. Ipinagpatuloy niya ang kwento. “It took us years bago magka-baby. Noong malaman ko na buntis siya, lalo akong naging inspirado. Halos hindi na ako umaalis sa tabi niya lalo na noong naglilihi na siya.” Nagkukwento siya habang iniisa-isang tingnan ang mga damit ng asawa. “Tapos, isinama ko siya sa China. Ang plano, doon na rin siya manganganak. Delikado kung ibabyahe ko pa siya pabalik ng Pilipinas. May inaasikaso rin kasi ako roon. We stayed in a hotel.”

Naramdaman niya ang tensyong palaging sumasalakay sa buong sistema niya tuwing naaalala niya ang mga araw na iyon. Parang naninikip ang dibdib niya at hindi siya makahinga.

“Keijin? Namumutla ka.” Inalalayan siya nitong makaupo sa kama.  Inabutan siya nito ng isang basong tubig. Tuwing may session sila ay may nakahanda ng tubig sa kwarto kung saan sila nagse-session. “Keijin, labanan mo ang depression mo. You can make it.” Hinawakan nito ang dalawang kamay niya. “Relax. Huwag mong biglain ang sarili mo. Sabihin mo kung hindi mo pa kaya and we’ll end up here.”

Umiling siya. “Gusto ko ng matapos ito. Pagod na ako.” Bumuntong-hininga siya at sinubukang pakalmahin ang sarili. “I went out of the hotel that morning. May business meeting kami ni Nathan sa isang supplier ng tela ng sobrang maaga. Iniwan ko ang asawa ko roon sa hotel, with a private nurse. Few days ago kasi, madalas sumakit ang tiyan niya. Natakot akong baka manganak siya ng walang kasama doon sa room namin kaya nag-hire ako ng nurse para may kasama siya. Tanghali na rin nang matapos iyong mga meetings namin ni Nathan. That day, hindi na talaga ako mapakali kaya nagmadali akong umuwi sa hotel. Nasusunog na hotel ang naabutan ko.”

Awtomatikong pumatak ang luha mula sa mga mata niya. Napahigpit ang hawak niya sa kamay ni Opalyn. Hanggang sa mga oras na iyon ay damang-dama nya sa puso niya ang sakit na pinagdaanan niya noon nang mamatay ang mag-ina niya.

“It’s okay, Keijin. Go on,” may pang-unawang sambit nito. 

“Nagtangka akong pumasok para hanapin ang asawa ko pero pinigilan ako ng mga bombero. Sinabi ko na may asawa akong buntis na nasa 7th floor pero sinabi lang nila na ililigtas nila ang asawa ko, but they failed. Hinanap namin ni Nathan ang asawa ko sa paligid. Wala. Tinatawagan ko ang cellphone niya pero walang sumasagot.” Napuno na naman ng galit ang puso niya. “Alam kong nasa loob pa ang asawa ko, naghihintay na sagipin ko pero wala akong nagawa. Wala akong nagawa!”

Wala sa sariling naitulak niya si Opalyn. Sumalya ito sa aparador. Hindi niya iyon sinasadya dahil hindi na niya ma-control ang sarili niya. Tinatalo siya ng galit niya sa sarili. Pero parang balewala lang na tumayo ito at lumapit sa kanya.

“I understand. Calm down, Keijin. Tinatalo ka ng depression mo.”

“Hindi mo ako naiintindihan!” asik niya rito sa pagitan ng pag-iyak. “Hindi mo alam kung gaano kasakit ang makitang ang asawa ko ay isa ng sunog na bangkay! Hindi mo iyon maiintindihan kahit kelan! At alam mo ba kung ano ang pinakamasakit? May natagpuang newborn baby boy sa tabi ng asawa ko. Nasunog din ang anak ko. Ipinanganak niya ang baby namin habang nasusunog sila sa hotel na iyon. At nasaan ako ng mga oras na kailangan ako ng mag-ina ko? Wala ako sa tabi nila. Wala akong silbi. Wala akong nagawa!”

“Hindi mo naman kasalanan iyong nangyari. Trahedya iyon. Hindi mo hawak ang sitwasyon. ‘Wag mong sisihin ang sarili mo.” Nagtangka itong yakapin siya pero binalya lang ulit niya ito.
          
           “Hindi mo ako kailanman maiintindihan dahil hindi ikaw ang namatayan! Wala akong kwentang asawa. Kung hindi ko siya isinama sa China, buhay siya ngayon. Buhay pa sana ang mag-ina ko. Andito sila sa tabi ko! Kasalanan ko iyon lahat! At habambuhay ko ng pagsisisihan iyon. Wala akong silbi! Hinayaan ko lang mamatay ang mag-ina ko!” Paulit-ulit na lang ang sinasabi niya. Inilugmok niya ang ulo sa nahagip na unan at doon umiyak nang umiyak. Pagod na pagod na siyang sisihin ang sarili niya. Kahit anong gawin niya, hindi nya magawang patawarin ang sarili niya.
         
         “Hindi mo iyon kasalanan.” Lumapit ulit si Opalyn sa kanya. “Makinig ka sa akin, Keijin. May dahilan kung bakit nangyari iyon sa ‘yo. Sa tingin mo ba masaya ngayon ang asawa mong makitang nagpapakamiserable ka? Hindi niya gugustuhing makita kang ganyan. Ito na ang tamang panahon para buuin mo ang sarili mo. Hindi pa huli ang lahat para maging masaya ka pa. Andito kaming mga kaibigan mo, naiintindihan ka namin kaya ‘wag mong iisipin na walang nakakaintindi sa iyo. Andito kami, tutulungan ka namin. Higit sa lahat ng tao, kami ang lubos na nakakaunawa sa iyo.”

                Tumunghay siya at sinalubong siya ng mapang-unawang mga mata ni Opalyn. “Lahat naman kayo ganyan ang sinasabi pero pare-pareho lang din kayo. Pinipilit n’yo akong gawin ang bagay na hindi ko alam kung paano gawin. Hindi naman ganon kadali ang lahat tulad ng inaakala n’yo. Opalyn, hirap na hirap na akong masaktan! Hirap na hirap na akong makipag-away sa sarili ko. Ayoko ng sisihin pa ang sarili ko sa nangyari. Pero kahit anong pilit ko sa sarili ko, hindi ko maiwasang isisi sa sarili ang pagkamatay nila.”

Niyakap siya ni Opalyn. “Tama na. You had enough of this. Patawarin mo na ang sarili mo,” sambit nito.

The way she embraced him make him feel better. It seemed like she unchained him from being a prisoner of his past. He finally found his freedom on her shoulders. And he realized that he deserves forgiveness from himself after all the sufferings that he went through.  Lahat ng lakas ng loob ay kay Opalyn niya kinuha. He cried on her shoulders. Hindi niya alam kung gaano sila katagal sa ganoong sitwasyon. Hinayaan lang siya nitong iiyak lahat ng sakit na naramdaman niya.



PREVIOUS                                                              NEXT 

Comments

Most Popular Posts

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…