Skip to main content

Let The Reason Be Love- Chapter One





“Hindi ka nararapat mabuhay sa mundong ito. Letse ka! Anong karapatan mong saktan ako nang ganito ha? Gago ka. Nagkamali ako nang sabihin kong gusto kitang maging asawa. Manloloko ka, hayop! Wala na akong pakialam sa iyo! Ililibing na kita nang buhay!” buong-pusong ngitngit ni Opalyn habang dinuduro-duro niya ang picture ng ex-fiancé niya.  

                Hiniwalayan na niya ang kanyang three years-long fiancé nang mahuli niya ito sa akto na ‘tumitikim ng ibang putahe’ sa apartment nito ilang araw na ang nakakalipas. Wala na siyang paliwanag na dapat pakinggan pa mula dito dahil dalawang mata niya mismo ang nakakita sa milagrong ginawa ng fiancé niya kasama ang di niya kilalang babae. Ang masaklap pa nito, tatlong araw na lamang ay ikakasal na sana sila nang araw na mahuli niya ito. Kaya labis ang sakit na nararamdaman niya ngayon.

 Aminado naman siyang nitong nakaraang buwan ay parang nanlalamig na ang pakikitungo nito sa kanya. Gumagawa siya ng effort para maging okay sila pero ito mismo ang parang umiiwas. Pinagsabihan na nga rin siya ng kanyang mga kaibigan na itigil na ang pagiging martir dahil hindi na daw nila nakikita na masaya pa siya. Pero, hindi naman niya masisi ang sarili. Ano nga naman ang magagawa niya eh nagmahal lang naman siya? 


                Pero hindi niya maitatanggi na malaki ang naging epekto ng pangyayari sa pagkatao niya. Ayaw na niyang ma-in love. Ayaw na niyang masaktan pa ulit. Ayaw na niyang umasa na meron ngang happy endings tulad ng mga story sa pocketbooks. Lahat ng iyon ay pawang ilusyon lang. Ayaw na niya sa love story. Ayaw na niyang manood ng romantic movies. Ayaw na niyang makarinig ng love songs. Ayaw na niyang maniwala sa love.
            
               Ngayon dapat ang araw ng kasal nila ng hinayupak niyang ex-fiancé. Pero sa halip na magmukmok at magluksa, nagpunta siya sa Tarlac para ilibing lahat ng alaala ng pumalya niyang love life. Kasalukuyan siyang nasa Rest My Heart Cemetery, isang kakaibing sementeryo dahil hindi tao at hindi hayop ang inililibing dito. Emotions at mga bagay na nagdudulot ng kirot sa puso ang inililibing sa kakaibang sementeryong ito sa Tarlac. Isang pribadong lugar iyon kaya konti lang ang nakakaalam na may ganoong klaseng sementeryo sa lugar na iyon. Ang wirdong kaibigan niyang si Lan-lan ang nagbigay sa kanya ng lote para may mapaglibingan siya ng lahat ng alaala ng hudas niyang ex.

                Binigyan siya ng scented paper ng tagapamahala ng libingan para maisulat niya ang lahat ng emosyon na gusto niyang ilibing. Nang matapos ilabas lahat ng galit at sakit sa ilang piraso ng papel, inihulog niya iyon sa hinukay na lupa sa kalagitnaan ng limang hektaryang libingan na iyon. Sunod ay isa-isa niyang inihulog sa hukay ang mga bagay na ibinigay ng ex niya sa kanya at inihuli na nga niya ang picture nito.

                “Magsama kayo ng babae mo! Iyan! Inilibing na kita! Dyan ka na forever!” pahabol pa niya bago niya tinabunan ang hukay. Twelve by twelve inches lang ang laki ng hukay at twenty-four inches ang lalim kaya madali lang niya itong natabunan katulong ang isang tauhan ng sementeryo.

                Matapos matabunan ang hukay ay pinatungan pa ito ng lapida. In memory of all the pain because of love… Now, I will rest my heart from painful memory of you forever. May initials pa ng hudas niyang ex sa ibabang bahagi ng lapida bilang palatandaan na iyon ang kanyang pinaglibingan. Puwede daw niyang dalawin ang libingan na iyon anytime at pwede rin daw niyang ipahukay ulit kung gugustuhin niya. Pero alam niyang hindi niya iyon gagawin. Ibabaon na niya nang tuluyan ang alaala ng ex niya.

                Iniwan siya ng mga tauhan ng sementeryo nang matapos ang serbisyo ng mga ito. Nanatili pa siya sa lugar na iyon para umiyak sa huling pagkakataon. Nang magsawa siya sa pag-iyak, nilibot niya ang paningin sa kalawakan ng paligid. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang may ganoong klaseng lugar. Sa kakalibot niya ng paningin ay nahagip ng mata niya ang isang binata sa di kalayuan na nakasalampak sa Bermuda grass at waring nagninilay din sa pinaglibingan nito.

                Hindi niya alam kung bakit ngunit parang gumaan ang pakiramdam niya. Na-realized niya na hindi siya nag-iisa. May mga ibang tao na nalulungkot din o may mas mabigat na pinagdaraanan kaya hindi niya dapat kaawaan ang sarili.

                “Maganda pala ang lugar na ito. Sanctuary ng mga problemado sa buhay. Paano kaya ito natuklasan ni Lan-lan?” tanong niya sa sarili.

                Ilang minuto pa ang nakalipas at nahusto na lang siya sa pagtitig sa binata kahit wala naman siyang makitang maganda dahil nakatalikod ito sa kanya. “Ano kaya ang nilibing ng mamang iyon?” 

                Naramdaman ata ng lalaki na may nakatingin dito kaya bigla itong lumingon. Agad siyang tumungo at tinitigan na lang ang lapida ng “alaala ng ex” niya. Nalungkot na naman siya. Minsan talaga naiinis na siya sa sarili niya. Ilang beses na niyang pinagsabihan ang sarili na tigilan na ang pag-iyak sa walang-kwentang ex niya pero heto pa rin siya. Senti to the highest level. Hindi niya namalayan na umiiyak na naman siya. Badtrip!

                Marahan niyang pinapawi ang luhang dumaloy sa pisngi niya nang tumambad sa kanya ang kamay na may tissue at calling card. Kunot-noong binalingan niya ang nag-abot sa kanya at sinalubong siya ng isang mukha na malungkot ngunit masarap titigan. Sa pagkakatanda niya, iyon ata ang mamang tinitingnan niya kanina pa.

                “Kung gusto mo ng kasama kapag naisipan mong mag-suicide, tawagan mo lang ako. Sabay na tayong magpakamatay para masaya. Parang Romeo and Juliet,” walang halong birong sambit nito bago siya iwan.

                Masyado siyang naguluhan sa mga pinagsasabi nito kaya hindi agad siya nakapag-react. Ano daw iyon? Suicide? Malayo na ang binata nang mag-sink in sa utak niya ang sinabi nito kaya hindi na niya ito nahabol. Sumigaw na lang siya. “Hoy mamang abnoy! Anong tingin mo sa akin, sira-ulo? Magpakamatay kang mag-isa mo! Ang sarap kayang mabuhay sa mundo.”

                Hindi nag-react ang binatang patuloy sa paglalakad palayo sa kanya. Marahil ay hindi nga siya nito narinig. Ginamit niya ang inabot nitong tissue para punasan ang luha niya at saka niya binasa ang calling card nito. Pangalan ng isang sikat na fashion house na kilala sa magagandang designs ng gowns and wardrobe ang nakalagay doon. “Ezekiel Jin Uzen, Fashion Designer. Teka, familiar ang pangalan nito ah. Fashion Designer? Bading?” Lalong kumunot ang noo niya. “Bakit kaya gustong magpakamatay no’n? Iniwan siguro ng boyfriend. Sayang, pogi pa naman kaso jolats ang lolo este lola pala. Pero, hindi naman siya mukhang bading.” Ipinagkibit-balikat na lang niya iyon habang naglalakad papalabas ng sementeryo.

                Next stop niya, ang Isdaan Floating Restaurant. Kakain muna siya bago magbasag ng pinggan. Habang nasa biyahe siya ay tinawagan siya ni Lan-lan.

                “O mare kamusta naman ang libing?” usisa nito.

                “Ayos lang. Paano ka nga pala nagkaroon ng lote do’n?”

                Tumawa ito. “Haha. May nagregalo sa akin. Kung trip ko daw mag-emote ay maglibing daw ako doon. Biruin mo, niregaluhan ako ng 55 square meters na lote sa sementeryong iyon. Akala ko nga noon sementeryo ng tao. Iba pala, kaya tinanggap ko na rin. Nasaan ka na ngayon? Pabalik ka na ng Laguna?”

                “Not yet. Papunta akong Isdaan Floating Restaurant. Magbabasag ako ng pinggan sa Tacsiyapo Wall.”

                “Good!”

                “Asan ka ngayon, Lan-lan?”

                “Nasa labahan, nagluluto…este naglalaba pala. Nagluluto ako habang naglalaba. Okay ka na ba? Wag kang mag-alala, Opalyn. May darating din na worth it sa pagmamahal mo. Move on ka na ha.”

                Napangiti siya. Mabuti na lang at may mga kaibigan siya. Kahit papaano ay tumatatag ang loob niya. “Oo, may tama ka. Ngapala, may kilala ka bang Ezekiel Jin Uzen? Pamilyar sa akin iyong name pero hindi ko naman matandaan kung saan ko narinig.”

                “Teka, di ba iyon ‘yong school mate natin na hinulaan mo sa palad noong school fair? Iyong Keijin ang palayaw. Nakita mo siya? Sa pagkakatanda ko guwapo iyon ah! Yiiii!” tila kinikilig na hirit ni Lan-lan.

                Napakunot-noo siya habang pilit na inaalala ang mga pangyayaring iyon pero hindi pa rin niya maalala. “Ang weird nga. Inabutan niya ako ng tissue at calling card. Ewan ko do’n.”

                “Talaga? Guwapo pa rin ba? Waaaah!” Bigla itong nagwala sa kabilang linya.  “Mare, babu na muna, lumaki ang apoy sa kusina ko!”

                “Ha?” Hindi na niya nagawang mang-usisa. Bigla na lang naglaho si Lan-lan sa kabilang linya.

                Inabala na lang niya ang sarili sa pag-iisip kung sino nga ba si Ezekiel Jin Uzen na iyon hanggang sa maalala na niya nang hulaan niya ito. “Siya na ba iyon? Eh bakit naman kaya gusto niyang magpakamatay?” Naalala niya ang hula niya sa palad nito. “Hala! Baka nagkatotoo ang hula ko sa kanya!” Nakagat niya ang labi.

                Malalim pa rin ang iniisip niya nang pumasok na siya sa restaurant. Inabala niya ang sarili sa pagkain ng masasarap na dishes. Nang ma-satisfied siya, nagpasama na siya sa isang staff para makarating sa Tacsiyapo Wall.

                Binayaran niya ang limang pinggan at limang tasa na binalak niyang basagin sa pader. Gusto nga sana niyang isama ang namataang sirang tv pero naisip niyang mukhang hindi niya kayang buhatin ang tv kaya plato’t tasa na lang ang natripan niya.

                Binalingan niya ang pader. Punung-puno ito ng mga salitang maaring dahilan ng galit ng isang tao. Sa itaas na bahagi nito ay may nakasulat na, “For effective release of anger, shout ‘Tacsiyapo’ before smashing your plates atbp against the wall.”

                Hinanap ng paningin niya ang salitang “fiancé” o “ex-boyfriend.” Naningkit ang mga mata niya nang mamataan ang mga iyon. Pawang nakikita niya ang mukha ng ex niya na lumulutang-lutang roon. Nagngingitngit na sinimulan niya ang pagbabasag.

             “TACSIYAPO!” Buong-pwersa niyang inihagis ang isang plato sa pader. Maya-maya ay pinagsabay niya ang dalawang pinggan at parehong tumama ang mga iyon sa dalawang salitang nakasulat sa pader. Unti-unting nare-release nga niya ang galit.

                Nasa kaitaas-taasan pa ang energy niya nang may tumabi sa kanya. Hindi niya inabala ang sarili na lingunin pa kung sino iyon. Bato nang bato lang siya sa pobreng pader. Napansin niyang ang salitang “wife, mother, at father” ang binabato nito.

Tapos narinig niya itong bumulong. “Bakit n’yo kasi ako iniwan!” Lalaki pala ang tumabi sa kanya.
           
        Bakit ka nga ba iniwan? singit naman ng utak niya. Ako, iniwan ako ng hayop na iyon kasi di na siya masaya sa akin…kaya tumikim na lang siya ng ibang putahe!

            Ibinato niya sa pader ang isang tasa. Hanggang sa pagpang-agaw sila sa isang pinggan. Nagkatinginan tuloy sila ng katabi.

                “Teka, ikaw iyong nagyayayang mag-suicide ah,” untag niya.

                “Sasama ka na ba sa akin? Kung iniisip mo ang gagastusin ng pamilya mo sa burol at libing, ‘wag kang mag-alala. Mayaman ako. Ipapalibing na rin kita. Ako na ang bahala sa burol at libing nating dalawa,” seryosong sambit nito.

                Wow! Napapalatak na lang siya. Sa unang pagkakataon sa buhay niya, may nag-alok sa kanyang magpakamatay ng all-expense paid! Lakas! “Nasisiraan ka na ba ng ulo? Ang sarap mabuhay sa mundo. Ang iba nga, ginagawa ang lahat para madugtungan lang ang buhay tapos ikaw,” pinasadahan niya ito ng tingin, “mukha ka namang okay, magpapakamatay lang?”

                Hinila nito ang plato mula sa kanya at ibinato sa pader. “Hindi ako okay! Wala na akong rason para mabuhay. They’re all gone, you know.” Binalingan ulit siya nito at mataman siyang tinitigan.

                Naku, patay! Baka namumukhaan na niya ako.

                “Wait! Aside from pagkikita natin kanina sa Rest My Heart Cemetery, saan ba kita nakita? Familiar ka talaga. Di ko lang matandaan.” Ipinagpatuloy nito ang pagtitig sa kanya kaya naiilang na siya. Hindi naman niya magawang umiwas ng tingin. Hindi niya alam kung bakit.

                “Magka-school mate tayo noong college,” nasambit niya.

                “College?” Kagyat na natahimik ito pagkatapos ay naniningkit ang matang binalingan siya. “Aha! Natatandaan na kita. Ikaw ang manghuhula. Kasalanan mo pala ang nangyari.”

                “Bakit ako ang sinisisi mo? Hinulaan lang kita. Iyon lang ang ginawa ko. Tinawanan mo nga lang ako.”

                Napabuntong-hininga ito nang bumaling sa pader sabay bato ng pinggan. “Alam mo, authentic ka,” malungkot nitong sambit nang muli siya nitong balingan. “Sabi mo, I’ll get married before 25 at mabubyudo ako before 30. You got it right. I got married when I was 24 and lost my wife and my son last year. Two weeks after, I lost my parents. I’m getting 30 next month.”

                Hindi niya alam ang sasabihin. Batid niya ang sakit na nararamdaman nito. “I’m sorry for what happened to your family. Hindi ko naman hawak ang tadhana mo. Kaya ko lang basahin iyon at hindi baguhin.”

                “You’re right!” Ibinato na nito ang isa pang tasa sa pader at binalingan ulit siya. “I’ll be waiting for your call.”

                At sa isang iglap ay nilayasan na siya nito. Baliw talaga ang isang iyon. Pero sa puso niya, hindi niya ito masisi kung gustuhin man nito na tapusin na ang paghihirap nito. Malaking dagok nga naman sa buhay ang maiwang mag-isa.

Naalala na naman niya ang hudas niyang ex. Dinampot niya ang dalawang pinggan at buong puwersang ibinato iyon sa pader.

Nang sa wakas ay napagod na siya sa pagbato ng kung anu-ano sa pader, nagtungo na siya sa restroom. Nang pihitin niya ang seradura ay napag-alaman niyang naka-lock iyon. Naghintay siya ng ilang minuto pero wala pa ring lumalabas mula sa banyo kaya kinatok na niya iyon.

“Excuse me po. Medyo matagal na po kayo dyan. Baka pwede naman pong makagamit na ang iba,” pakiusap niya sa kung sinong nasa loob.

Walang tumugon kaya makatapos ang limang minuto ay kinatok niya ulit iyon. Sa wakas, nagbukas na rin ang pinto ngunit hindi niya inasahan ang sunod na nangyari. Hinila siya ni Keijin sa loob ng banyo at ini-lock ulit nito ang pinto.

Oh my God! Rapist ata ang isang ito! Ayoko po Lord, kahit saksakan siya ng guwapo!

Nangatog ang tuhod niya sa takot. May pagka-psychotic pa ata ang binatang ito o kaya naman siguro ay adik-adik at nakabatak na ngayon.  May balak ba itong halayin siya? Baka nakulitan na ito sa kanya kaya ngayon ay pagsasamantalahan na lang siya nito. Sa isiping iyon ay namutla siya sa takot.

Dahan-dahang binitawan nito ang braso niya at lumayo ito sa kanya.

“Don’t worry miss…Teka nga ano ngang pangalan mo?” kunot-noong tanong nito.

“O-Opal-lyn,” nakapikit na tugon niya. “A-ano g-gagawin mo?” Maawa ka, hindi pa ako handa sa ganito!

“Opalyn. Cute name. ‘Wag kang matakot. Di kita sasaktan at lalong hindi kita pagsasamantalahan kaya mag-relax ka na dyan.” Nagmulat na siya ng mata. Binuksan nito ang pinto ng nag-iisang cubicle doon. “Gusto mong mag-CR di ba? Go ahead. Di kita bobosohan, promise. Dito lang ako sa labas at gagawin ko ang gusto kong gawin dito.”

Hindi siya kumilos. Duda pa rin siya.

Tumawa ito ng pagak. “Come on. Magbanyo ka na. Kasi alam mo, maglalaslas ako ng pulso kaya mag-CR ka na at lumabas ng banyo. Baka ikaw pa ang mapagbintangang pumatay sa akin kung pareho tayong andito sa loob. Ayoko namang makulong ka. Cargo de Concencia ko pa iyon.”

Wow, kailangan na ata nitong ipasok sa mental insitution! Ibang klase! Pati ako mababaliw sa isang ito!

Walang imik na pumasok siya sa cubicle at nagwiwi. Paglabas niya ng cubicle ay natagpuan niya si Keijin na nakaupo sa sulok ng banyo. Wala pa namang dugo ang  pulsuhan nito ngunit hawak nito ang isang maliit na swiss knife at blade.

“Sa tingin mo? Alin ang mas matalim?” Inilapit nito sa kanya ang dalawang patalim.

Di niya alam kung paano ito kakausapin. Hindi rin siya sigurado kung pakikinggan siya nito. Kahit kasi mukhang desidido itong magpakamatay, halata pa rin niya sa mga mata nito ang lungkot at pag-aalinlangan.

“Sigurado ka ba diyan sa gagawin mo?” tanong niya.

“Oo naman. Huwag ka nang mag-aksaya ng panahong pigilan ako dahil hindi ako makikinig sa ‘yo. So, ano sa tingin mo? Blade o swiss knife?” pabalang na tugon nito.

“Sa palagay ko, ‘wag ka dapat dito mag-suicide. Dapat doon ka sa lugar na hindi ka agad matatagpuan. Kasi alam mo, kailangan mo pang gumugol ng ilang oras para malagutan ka ng hininga kapag naglaslas ka ng pulso. Kung dito mo gagawin iyan, madali kang matatagpuan ng management once na may customer na magreklamo dahil sa locked ang banyo. Maisusugod ka pa nila sa hospital, mabubuhay ka pa. Magagastusan ka lang.”

“Oo nga ano? Sige, lumabas ka na at pag-iisipan ko iyan.”

Hindi siya kumibo. Kapag nabalitaan niyang may nagpakamatay sa restaurant na iyon, hindi matatahimik ang loob niya dahil pakiramdam niya ay dapat niyang paliwanagan ang isang ito. Ano pa’t Psychology graduate siya kung hindi naman niya masasagip ang taong ito sa kahit sa simpleng payo man lang.

Tumayo ito at marahang itinulak siya palabas ng banyo.

“Pag-isipan mo ang pagpapakamatay mong iyan. Hindi naman kayo magtatagpo ng pamilya mo kapag ginawa mo iyan. Nasa langit sila, sa hell ka mapupunta,” paalala niya.

“Kalokohan lang iyan. Pero salamat, mag-iisip lang ako okay!” Isinara na ulit nito ang pinto at ini-lock iyon.


ARAW ng Linggo. Isang linggo na ang nakakalipas nang ilibing niya sa sementeryo ang alaala ng boyfriend niya ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubusang mabawi ang sarili sa pagkabigo. Wala siyang kaplanu-planong maglagalag nang araw na iyon pero maaga pa lang ay binulabog na siya ng mga kaibigan. Kinaladkad siya ng mga itong pumunta sa isang park malapit sa baybay ng Laguna Lake.

“Ma-rainbow ang lifeness, Opalyn. Kaya dapat ay sinusulit mo ang bawat araw,” sambit ni Mayette.
Kasalukuyang nakaupo sila sa Bermuda grass kapiling ang ilang street foods na pinagsasaluhan nila.

“Korek ka dyan, mare! ‘Wag mong sayangin ang one-of-a-kind ganda mo sa pagmumukmok sa bahay mo. Kailangan mong lumabas sa iyong shell, pearly shell!” hirit ni Lan-lan na ikinatawa nila.

“Saan naman galing ang shell ko? Sa ocean?” patol niya sa joke nito.

“Hindi. Sa gasoline station!” sabat ni Miles.

“Pero mga mare, wa joke. May point si Mayette at Lan-lan. I-enjoy mo ang buhay mo Opalyn. Sumama ka sa akin sa resort next week nang makahanap ka ng boyfriend do’n,” suhestiyon ni Cess. Nagtatrabaho ito as marketing officer ng Himalayan Resort sa Tagaytay.

“Okay,” tipid na tugon niya.

“Ay ako din! Sama!” hirit ni Lan-lan.

“Di ba busy ka sa series mo? May deadline ka pang hinahabol hija,” pakli ni Mayette. “Ako na lang, ang isama n’yo. Maghahanap din ako ng Fafaness!”

“Ano ka! I have my ever-reliable laptop notebook! Kahit saan puwede akong magsulat. At saka, mas kailangan ko ng Fafa kesa sa iyo. Dalawa na ang manliligaw mo ano,” tugon ni Lan-lan.

“Tumigil nga kayo. Si Opalyn lang muna ang isasama ko do’n,” sabat ni Cess.

“At saka, mas kailangan ni Opalyn iyon kaysa sa inyo. Mas kailangan ng bigo ang bakasyon,” hirit pa ni Miles.

“Salamat sa pagpapaalala na bigo ako. Great,” matabang na sambit niya. Ibinaling niya sa may lake ang paningin. Namataan niya ang isang binatang nakaupo sa Bermuda grass. Pamilyar sa kanya ang likod nito. Nag-iisa lang ito at panay ang paghahagis nito ng maliliit na bato sa lake. Napabuntong-hininga siya.

“Ay naku, Opalyn. Hindi lang ikaw ang bigo sa mundo, kaya tama na ang emote,” sambit ni Lan-lan sabay subo ng fishball. Tumingin ito sa tinitingnan niya. “Teka, di ba siya si Keijin?”

Nagsilingunan din doon ang mga kaibigan niya.

“Sinong Keijin? Iyong guwapong varsity ng volleyball noong college pa tayo?” tanong ni Mayette.

“Talaga? Eh, paano mo naman nalaman Lan-lan eh nakatalikod kaya ang lolo mo,” singit ni Miles.

“Guwapo ang likod eh. Kaangas ni Keijin,” walang anu-anong sambit ni Lan-lan habang tuloy pa rin sa pagkain ng street foods.

“Ikaw talaga, Lan-lan! Umayos ka nga,” pakli ni Cess.

Bahagyang bumaling sa direction nila ang binata. “Tama si Lan-lan. Si Keijin nga iyan.”Awtomatikong nagsibalingan sa kanya ang atensyon ng mga kaibigan. “Bakit?”

                “Wuuu! Ang sabi namin, mag-move on ka na. Sumobra naman ata ang bilis niyan,” puna ni Cess.
            
               “Oo nga, may bago ka na Fafa!” hirit ni Miles.

                “Hindi ano!” pakli niya.

                Nakita niyang tumayo si Keijin at naglakad palapit sa kanila. Impit na nagtilian ang mga kaibigan niya. Babatiin na niya sana ito nang lagpasan lang siya nito. Hindi niya maintindihan kung bakit parang nalungkot siya dahil mukhang di siya namukhaan nito. Tinusok na lang niya ang isang tokneneng at diretsong isinubo iyon.

                “So, kelan natin itutuloy ang plano, Opalyn? I had been waiting for your call the whole time,” sambit ni Keijin.

                Eksaheradong nilingon niya ito. “Hindi nga sabi ako magpapaka—” Natigilan siya nang mapansin ang benda sa kaliwang pulsuhan nito. “Itinuloy mo?”

                “Oo, nahuli nga ako. Dapat pala nakinig na lang ako sa iyo,” kibit-balikat na tugon nito na animo’y wala lang ang ginawa nitong pagpapakamatay. Ibang klase talaga. “Sige, hindi kita pipilitin kung ayaw mo talaga.”

                Tinalikuran na siya nito at mabilis na nawala sa paningin nila.

                “Ano daw iyon?” tanong ni Mayette.

                “Wala.”


                                                                                              NEXT

Comments

Most Popular Posts

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…