Skip to main content

Five Peso Coin




Nakita ko siyang nakaupo sa bench na palagi namin noong inuupuan sa park na iyon. Ang sarap tingnan sa malayo ang kanyang mahabang buhok na nakalugay hanggang sa kanyang baywang. Lalo tuloy akong nasasaktan sa paghihiwalay namin. Akala ko noon kami na talaga ang magkakatuluyan. Akala ko darating din ang araw na kapag pareho na kaming nakapagtapos ay maihahatid ko na siya sa simbahan bilang aking bride. Mukhang pangarap na lang iyon. Bigla na lang siyang nakipaghiwalay at sinabing, "Sorry, I’m falling out of love. Hindi na ito nagwo-work. Maghiwalay na tayo."

Nanginginig pa ang kamay ko habang naglalakad papalapit sa kanya. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa kaba na nararamdaman ko o dahil sa sakit na nararamdaman ng puso ko. Nakatungo siya at abala sa pagbabasa ng libro. Natatakluban ng kanyang mahabang buhok ang kanyang mukha. Sayang naman, akala ko pa naman ay masisilayan ko pa ang mukha niya.

Umupo ako sa tabi niya. Ilang saglit ang ginugol ko sa paghatak ng lakas ng loob para kausapin siya. Ilang minuto pa ang nakaraan bago ako nakapagsalita.


"Kanina ka pa dito?" tanong ko.

"Oo." Tipid na sagot niya sa mahinang tinig.

"May hinihintay ka bang iba?"

"Wala."

"Kamusta ka?"

"Ayos lang. Ikaw?"

"Ayos din lang."

Ano ba namang klaseng usapan ito? Hindi ba dapat gumawa na ako ng paraan para magkabalikan kami? Eh ano pa bang dapat kong itanong? Alangan namang itanong ko sa kanya kung totoo ba ang tsismis na may boyfriend na siyang iba. Parang di naman ata magandang pag-usapan iyon.

"Galit ka ba sa akin?" untag ko.

"Hindi. Bakit naman?" tugon niya na hindi man lang ako hinaharap.

Nanatili pa rin siyang nakatungo sa librong binabasa at hindi ko pa rin magawang hawiin ang kanyang buhok para makita ko man lang ang mukha niya.

"Basta na lang kasi ako sumulpot dito. Nakita kasi kitang nag-iisa kanina doon sa malayo."

"Talaga? Ayos lang iyon."

"Kamusta i-iyong b-boyfriend mo?" Nagkandautal pa ako. Para kong pinapatay ang sarili ko.

"Siya? Ayos lang naman siya. Nasa school siya ngayon at nagpa-practice ng play nila."

Aray ko. Suicide na nga ang tawag dito. Totoo ngang may boyfriend siya. Wala na akong laban. Talo na talaga ako.

"Gaano na kayo katagal?" tanong ko.

Gusto ko na talaga sigurong mamatay sa sakit kaya naisip ko pa itong itanong.

"Mga two months na."

Ibig sabihin pagkatapos namin, isang buwan lang ang lumipas ay naka-move on na siya. Aray ko, ang bilis naman.

"Mahal mo ba siya?"

"Oo naman."

"Bakit ang bilis mong nagpalit?" mahinahong tanong ko.

"Ha?"

"Ang tagal kong nanligaw sa ‘yo bago mo ako sagutin.Bakit siya ang bilis lang?"

"Ha?"

"Hindi mo na ba talaga ako mahal?"

"Ha?" Tumunghay na sa wakas ang kausap ko. Para akong binuhusan ng nagyelong tubig nang makita ang mukha niya. "Eh hindi naman kita kilala ah," kunot-noong pagpapatuloy nito.

"Sino ka?!" kunot-noong tanong ko rin. 

Pinandilatan niya ako. "Aba, ikaw itong umupo bigla dito at kung anu-anong tinatanong sa akin tapos ikaw pa itong parang galit? Eh ayoko lang namang masabihang snob kaya sinasagot ko tanong mo." Tumayo ang babaeng napagkamalan kong ex ko. Dumukot siya sa bulsa at iniabot sa akin ang limang piso. "Limang piso, bumili ka ng kausap mo."

Agad na akong nilayasan ng babae. Hindi man lang ako nakapag-sorry. Mababaliw na ata ako. Kahit saan ako magpunta nakikita ko ang ex ko. Sablay na naman. Anong gagawin ko sa limang piso? Kulang pa itong pamasahe sa tricycle o jeep. Napabuntong-hininga na lang ako.

Tumayo ako at umalis sa park. Naglakad-lakad ako at nag-abang ng jeep papuntang mall. Bumunot ako sa bulsa ng tatlong piso para idagdag sa limang pisong dapat sanay pambili ko ng kausap ko at iniabot iyon sa drayber.

Pagpasok ng mall, ligaw pa rin ang utak ko. Hindi ko na alam ang gagawin. Wala akong direksyon, ni walang plano kung saan ako pupunta. Bakit nga ba sa mall ako nagpunta? Ewan ko.

Lakad lang ako nang lakad. Napadaan ako sa isang restaurant sa loob ng mall. Napatigil ako at napatitig. Doon ako sinagot noon ng ex-girlfriend ko. Lalo akong nasaktan. Ilang minuto rin akong nakatayo doon bago ako nagpatuloy sa paglakad. Masama na kasi ang tingin sa akin ng isang guard baka mapagkamalan pa akong teroristang may dalang bomba.

Wala sa sariling ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Bakit ko nga ba ginagawa ito sa sarili ko? Kung hindi na niya ako mahal, dapat humanap na ako ng iba. Di ba?? Ang daling sabihin, mahirap gawin. Nakaramdam ako ng calling…from nature. Dinala ako ng aking mga paa sa direksyon papuntang restrooms. Wala sa sarili pa rin, pinasok ko ang CR. Walang tao sa palagay ko. Doon ko ibinuhos lahat. Sa halip na dyuminggel ay umiyak  na lang ako… umiyak pa… at umiyak pa ulit sa harap ng salamin. Todo emote ako, daig pa ang nag-audition sa isang Star Search. Hindi ko na napansin na parang iba ang itsura ng banyo. Ilang minuto pa, may pumasok na sa loob. Sa salamin nakita ko ang isang grupo ng babae. Teka, babae?? O mga bakla?? Teka hindi bakla, babae sila! Bakit naligaw ang mga babae dito? Ilang minuto pa silang nakatingin sa akin. Ilang minuto rin akong napaisip. O hindi!!!! Ako ang naligaw!!! Agad akong lumabas ng CR ng mga babae bago pa ako mapagkamalang rapist.

Sablay na naman. Paglabas ko ng CR ay nakabangga ko ang isang babae na tumitiling lumabas ng men’s CR kung hindi ako nagkamali ng tingin. Oo nga, sa CR ng mga lalaki siya galing. Hawak-hawak niya ang kaliwang pulsuan na nakabalot ng pulang panyo. Sa lakas ng impact, pareho kaming nadapa at gumulong mula sa kanyang bulsa ang isang limang pisong barya. Nagkatinginan kami. Namumula pa ang mukha niya at tila hiyang-hiya. Pugto din ang kanyang mga mata. Ano kaya ang nangyari? Naligaw din kaya siya sa CR na iyon dahil wala din siya sa sarili niya katulad ko o may nagtangkang pagsamantalahan siya kaya siya nasa CR ng boys? Agad siyang tumalikod at tumakbo. Pero teka lang, kamukha niya ata ang babaeng nasa park kanina na napagkamalan kong ex ko. Nasisiraan na ata talaga ako! Lahat na lang ata na makita kong babae ay kamukha ng ex ko.

"Sandali!" Pinulot ko ang limang piso at hinabol siya. Ibibigay ko lang naman ang limang piso sa kanya.

Pero di niya ako pinansin. Hinabol ko siya hanggang sa di ko na siya naabutan. Dahil sa dami ng tao sa mall, nawala na rin siya sa paningin ko.

Ayoko na. Puro kapalpakan lang naman ang nangyayari sa akin. Dalawang tao na ang nagbibigay sa akin ng limang piso. Tinatawaran na nila ng limang piso ang buhay at katinuan ko.
         
          Lumabas ako ng mall. Muli, bumunot ako ng tatlong piso sa bulsa ko para ipandagdag sa limang pisong hindi na binalikan ng babaeng nakaputing bestida at sumakay sa jeep. Bumaba ako sa tapat ng simbahan. Kung bakit sa simbahan, hindi ko alam.

Hindi ako agad pumasok sa loob. Sa halip ay naupo ako sa isang bench sa parke na katabi ng simbahan. Sinimulan kong kausapin ang aking sarili.

"Bakit? Ano bang naging pagkakamali ko?"

"Wala kang pagkakamali." Biglang may tumugon mula sa likod ko. Pero dahil masyado ng magulo ang isipan ko, hindi ko na siya nilingon.

"Bakit niya ako iniwan? Bakit niya ako pinagpalit?" tanong ko ulit.

"Dapat magpasalamat ka pa dahil ginawa niya iyon. Maaaring hindi siya ang para sa iyo," tugon ng kung sinumang babaeng ito na patuloy akong kinakausap.

"Kung hindi siya sino?"

"Ewan ko, hindi naman ako si kupido. Pero pareho rin lang tayo."

"Iniwan ka rin ng boyfriend mo?"

"Oo. Pati ng nanay ko at tatay ko, iniwan rin nila ako. Kaya nga ginusto ko na makasama na sila kaya gumawa ako ng isang pagkakamali."

Napabuntong-hininga ako at tinitigan na lang ang sementong tinutungtungan ko. "Alam mo, wala na akong pag-asa. Kung magpakamatay na lang kaya ako?"

"Wag, iyan din ang ginawa ko kaya nagsisisi na ako. Mali iyan, kapag tinuloy mo iyan pagsisisihan mo iyan habang kaluluwa ka na lang at naghihintay na lang ng judgment kung mabubuhay ka pa o ihaharap ka na kay San Pedro."

Sukat ay nilingon ko na siya. Masyado na kasi akong nawirduhan sa mga sinasabi niya. Tumambad sa akin ang babaeng nakaputing bestida na nakabanggaan ko sa mall kanina.

"Ikaw iyong babae kanina!" Napansin ko ulit ang kaliwang pulsuan nito na may nakataling pulang panyo.

"Oo ako nga."

"Sa tingin mo, ano ang dapat kong gawin?"

Nilingon niya ang simbahan bago muli akong binalingan. "Pumasok ka sa simbahan at itanong mo sa Kanya. Alam Niya kung sino talaga ang para sa iyo. Ibibigay niya iyon sa iyo, sa tamang oras at panahon. "

Saglit akong napatungo. "Teka, anghel ka ba o kupido?"

Ngunit pagtunghay ko, wala na akong kausap. Nawala na lang siya na parang bula. Kainis naman. Kung kelan nakakita na ako ng makakausap, bigla naman itong nawala.

Pumasok ako sa simbahan gaya ng bilin ng babae at nagdasal. Matapos gawin iyon, napanatag na ang kalooban ko. Tama siya, alam ng Diyos kung ano ang tama. Salamat sa babaeng iyon, naliwanagan na ako. Sa totoong laban, hindi ako ang natalo sa paghihiwalay namin ni ex kundi siya. Napatingin ako sa relong pambisig. Mag-aalas-kwatro na. Kailangan ko ng bumalik sa hospital. Ito ang unang araw na magdu-duty ako sa Intensive Care Unit ng hospital.

Pumasok ako sa silid para makita ang pasyente ko. Walang nagbabantay na kahit isang kamag-anak man lang ng pasyente.

Natigilan ako nang mapagmasdan ang pasyenteng may sari-saring aparatong nakakabit sa katawan. Paano ito nangyari? Kilala ko ang pasyente na ito. Siya ang babae sa park kanina na nagbabasa ng libro. Anong nangyari sa kanya?

Pumasok sa silid ang isang kamag-anak siguro ng pasyente.

"Ikaw ba ang bagong nurse niya?" tanong ng mamang ito.

"Opo, intern nursing student po ako dito. Kaanu-ano n’yo po siya?" tanong ko.

"Pamangkin ko siya. Siya si Janine."

Janine pala ang pangalan niya. "Ano pong nangyari sa kanya?"

"Nag-suicide siya. Naglaslas ng pulso kaya ngayon eh kinulang na sa dugo. Natagpuan ang kanyang halos wala ng buhay na katawan sa isang park malapit sa simbahan habang yakap ang kanyang paboritong libro. Siguro eh, hindi na kinaya ang mga nangyari sa buhay niya kaya sumuko na lang siya."

Hindi! Pinagmultuhan ba niya ako? Paanong nangyari iyon?

"Pwede po bang malaman ang nangyari?" usisa ko. Bawal ang mang-usyoso sa buhay ng pasyente pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Sayang naman kasi siya kung mananatili na lang siyang comatose.

"Iniwan siya ng boyfriend niya na nagpakasal na sa ibang babae. Tapos noon, sabay na namatay sa isang car accident ang ama’t ina niya. Sabi nila, may nakakita pa daw sa kanya sa mall na naglalakad at hawak ang kaliwang pulsuan na may nakabalot na pulang panyo noong araw ding iyon na nagpakamatay siya. Sayang, isang taon na lang sana eh isang ganap na nurse na siya."

"Ah, ganon po ba? ‘Wag po kayong mag-alala. Aalagaan ko po siyang mabuti," tugon ko kahit naguguluhan pa rin ako.

"Maraming salamat."

Kung ganon, isang kaluluwa pala ang kausap ko kanina. Sa halip na matakot o kilabutan ay napangiti pa ako. Ngayon naiintindihan ko na. Ipinadala siya sa akin ng Diyos para maliwanagan ako. Paghihiwalay lang namin ng ex ko ang problema ko. Masyadong maliit kung ikukumpara sa pinagdaanan niya.

Lumipas ang mga araw pero wala pa ring pagbabago sa kanya. Hindi ko na alam kung ano pa ang pwedeng gawin. Tinutukso na nga ako ng mga kaklase ko. Isa daw akong timang na nai-in love sa isang babaeng lantang gulay na. Siguro nga, tanga lang talaga ako. Nagmahal ng maling babae noon at ngayon ay nahuhulog naman ang loob sa pasyente kong comatose. Sinulat ko na lang lahat ng gustong kong sabihin at iniwan iyon sa greeting board sa loob ng kanyang silid.

Isang araw, hindi ko napigilan ang sarili ko. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay at bumulong ako sa kanya.

"Sabi ko noon, sana makilala man lang kita bago ako umalis dito sa hospital. Mukhang bigo ako. Ito na ang huling araw ko dito. Ililipat na kaming mga intern sa ibang hospital. Susubukan kong dumalaw kapag nagka-oras ako. Magpagaling ka ha. Naramdaman mo sana na habang inaalagaan kita, unti-unting nahuhulog ang loob ko at tuluyan na kitang minahal. Mami-miss kita." Nagawa ko pang humalik sa noo niya.

Pero ako ang hindi tumupad sa pangako ko. Dahil malayo ang hospital niya at kadalasan out of the way ito sa dinadaanan ko papasok sa school, hindi ko na siya masyadong nadalaw. At hanggang ngayon, mahigit pitong buwan na nang huli ko siyang dalawin. Nakakainis ang hectic kong schedule. Hindi ko tuloy siya mabigyan ng oras.

Salamat sa milagrosang langit na nagbigay ng bagyo. Na-suspend ang klase kahit na hindi naman maulan. Nagkaroon ako ng pagkakataon na dalawin siya. Excited na akong makita siya ulit.

"Po? Ano pong ibig sabihin n’yong wala na siya dito?" tanong ko sa information station ng hospital. Kinakabahan ako, baka kung ano na ang nangyari sa kanya at nahuli na pala ako.

"Ah tatlong buwan na kasi ang nakaraan nang lumabas na siya ng hospital na ito," paliwanag ng nakausap kong nurse. 

Nabuhayan ako ng loob. "Ang ibig sabihin po magaling na siya? Alam n’yo po ba kung nasaan na siya ngayon?" Sobra akong natuwa sa balitang nasagap.

"Oo, magaling na siya. Hinanap ka nga niya nang magkamalay na siya eh,” nakangiting sambit ng nurse. “Kaso lang wala ka na dito noon. Pasensiya na pero di ko alam kung saan siya nakatira." 

Mabuti naman at magaling na siya. Tama ba iyong narinig ko? Hinanap daw niya ako. Sayang naman, hindi na kami nagkita. Mukha ngang di na nga kami magkikita. Pero ayos na rin iyon, ang importante buhay siya.

Pumunta ako sa park kung saan ko siya napagkamalang ex ko. Umupo ako sa damuhan. Dala ko pa din ang isang bouquet ng roses na ibibigay ko sana sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero napaiyak ako. Niyakap ko ang aking mga tuhod at isinubsob doon ang aking mukha. Hinayaan ko ang sariling umiyak kahit hindi ko naintindihan ang tunay na dahilan. Kung dahil sa sobrang tuwa ba iyon o sobrang pangungulila, hindi ko alam.

"Kanina ka pa dito?" tanong ng isang babae sa akin na bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Naramdaman kong umupo rin siya sa tabi ko.

"Oo," tipid na sagot ko habang nakasubsob pa rin ang ulo ko sa aking tuhod.

"May hinihintay ka bang iba?"

"Wala."

"Kamusta ka?"

"Ayos lang. Ikaw?"

"Ayos din lang."

"Na-miss kita! Ako, di mo ba ako na-miss?"

"Ha?" Napakunot-noo ako. Sino ba itong nangungulit sa akin? Napatunghay ako.

Hindi ako makapaniwala. Nasa harap ko na siya ngayon. Malaki na ang pinagbago niya. Ang kanyang maputla at lantang gulay na katawan ay maayos na ngayon at masigla na.

"Wala ka bang sasabihin?" tanong niya habang nakangiti sa akin.

Sa totoo lang, wala akong masabi. Natameme na lang ako.

Bumunot siya ng barya sa bulsa. "Oh, limang piso." Hinatak niya ang aking kamay at ipinatong ang limang pisong barya sa palad ko. "Pwede mo na ba ako kausapin? Magsalita ka naman! Ang tagal kong hinanap ang nurse ko ha."

Napatawa na lang ako. Maluha-luha pa nga. Iniabot ko sa kanya ang punpon ng bulaklak. "Para sa iyo, pasensiya ka na at di kita nadalaw kasi busy ako sa-"

"Alam ko. Naiintidihan kita. Maraming salamat ha," sinserong sambit niya.

"Ako nga dapat ang mag-thank you sa iyo."

"Oo…oo ang sagot ko," biglang sabi niya.

"Ha?" naguguluhang sambit ko.

"Sa isa sa mga sulat mo sa akin, tinanong mo kung pwedeng mahalin din kita di ba?"

Di ko maintindihan pero may kung anong kabang sumulpot sa puso ko. "M-mahal mo din a-ako?" Nauutal na naman ako. “Posible ba iyon? Ngayon mo lang ako nakita.”

"Oo nga, mukhang imposible pero iyon ang nararamdaman ko. Nakita na kita sa panaginip ko. Inalagaan mo akong mabuti. Hindi mo ako pinabayaan.  Sinabi mo na mahal mo ako at humalik ka sa noo ko. Sabi ng tito ko, di daw iyon isang panaginip lang. Totoong inalagaan mo ako. Ikaw lang ang nag-alaga sa akin ng ganon.”

Wala akong nasabi. Masuyong niyakap ko na lang siya. Sa mga sandaling ito, wala na akong mahihiling pa. Ibinigay na ng Diyos ang panalangin ko. Palagay ko, ito na ang tamang oras at tamang panahon.


The End

Comments

kiz said…
awwwww.. kinilig na naiyak ako.. :"> ang gondoooooooooo.. makahanap nga ng bibigyan ng limang piso sa labas. :)))
I am Candy said…
nakaka-kilig naman po at nakaka-iyak :") speechless ako ate melai.. ang ganda kasi po talaga..
maam ang ganda ng story....
Anonymous said…
Wow!!! Nakakaiyak nmn.. :">
Anonymous said…
nice story!.. mmmmooooooooorrrreeeeeee ppppooooooowwwwweeeeeeerrrrrrssssss....^_^
Mae said…
Hi po. Ask ko lang kung pede mahingi ang idea from your strory? I like it po kasi. And Im trying po sana na makagawa ng storly na katulad nyo na mahusay. Sana po matulungan nyo ako. Thank you! :))

Most Popular Posts

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…