Skip to main content

Antigong Salamin



Nakita ko siya. Malungkot siyang humarap sa isang lumang salamin na dekada nang inaalikabok sa isang sulok ng kanyang silid. Muli, nagkatagpo kami. Matagal niya akong tinitigan. Nahabag ako, naantig, nalungkot. Mababanaag sa kanyang mga mata ang pighating hatid ng malupit na mundo. Bakas sa namumugto niyang mga mata ang hirap ng ilang taong pagdurusa dulot ng mapait na mundong ginalawan niya. Pagod na siya, alam ko.

Hinawi niya ang buhok na lumaylay sa kanyang mukha pagkatapos ay hinaplos niya ang pisngi na agad na dinaluyan ng luha. Pumikit siya na tila pilit na nilalabanan ang luhang umaagos. Nararamdaman ko, ayaw na niyang umiyak. Sawang-sawa na siya. Inilapat niya sa salamin ang kanyang kamay waring nais akong abutin ngunit hindi naman maaari. Pawang gusto niya akong yakapin, gusto niyang kumuha ng lakas sa akin. Iyon din sana ang gusto kong gawin, ang bigyan siya ng mga bidig na mayayakap at balikat na maiiyakan at masasandalan. Pero hindi ko rin alam kung paano ko iyon magagawa. Tinitigan niya ako. Tinitigan ko siya. Ang mga matang iyon, kelan kaya iyon mapapagod sa pamamaga?




Tulad nitong mga nakaraang araw, ang mga mata niya ay puno ng pighati, takot, galit at kawalang pag-asa. Humihingi ng saklolo ang kanyang mga pagtitig sa akin ngunit wala naman akong magawa dahil pati ako ay apektado niya. Ang nararamdaman niya ay nararamdaman ko rin. At ang mga luhang pumapatak sa kanyang mga mata ay dumadaloy din sa aking pisngi. Nahihirapan akong makita siyang nahihirapan.

Nagtatanong ang isipan niya. Kung bakit? Kung ano? Kung paano? Kung ganito na lang ba? Kung may pag-asa pa ba? Pero ako rin mismo ay walang mahagilap na sagot para sa kanya. Dahil ako rin man ay nakalimutan ng mag-isip kung ano ang tama at kung ano ang mali.

Gusto na niyang tumakas. Gusto niyang tumakbo palayo. Doon sa malayung-malayo. Kung saan walang makakakilala sa kanya, walang magtatanong, at walang manghuhusga. Isang lugar na nababalot ng dilim. Kung saan pwede siyang sumigaw nang sumigaw na walang makakarinig, umiyak nang umiyak na walang papansin sa kanyang paghikbi, at magalit nang magalit na wala siyang masasaktan kundi sarili niya. Ngunit hindi niya alam kung saan ang lugar na iyon. Hindi ko rin alam kung may lugar na ganoon.

Pagod na siya. At ang pagod niyang iyon ay nararamdaman ko rin sa katawan ko. Ayaw na niyang mag-isip, ayaw na niyang kumilos, ayaw na niyang magising ngunit nabigo siyang mangyari iyon nitong nakaraan. Pero ngayon, hindi na siya makikinig kahit sino pa ang bumulong sa kanya kahit ako pa iyon. Tinalikuran na siya ng lahat ng tao sa paligid niya. Tinalikuran na niya ang kanyang konsensya. At kinalimutan na niya ang Diyos sa katwirang ang Diyos ay pumipili ng pagpapalain at minalas siyang hindi mapabilang sa listahan kaya siya napahamak.

Sinabi ko sa kanyang mali ang iniisip niya. Pero hindi niya ako pinakinggan. Wala na siyang tenga para makinig, bulag na ang mata niya para makakita at manhid na ang katawan niya para makaramdam.

Tumalikod siya sa salamin at kinuha ang school bag na siyang piping saksi sa isang masalimoot na gabi dalawang buwan na ang nakakalipas. Muli, hinarap niya ako. At sa muling pagtingin niya sa akin ay umagos ang pangalawang serye ng luhang lalong nagparamdam sa akin kung gaano kabigat ang pinagdaraanan niya sa ngayon.

Ikinalat niya sa sahig ang mga papel, notebook, ballpen, at libro. Hindi na niya kailangan ang mga iyon. Wala na iyong silbi. Wala nang nagawa ang pagiging edukado, ang ethics, at ang morality dahil mismong mga taong nangangaral tungkol doon ang bumaboy sa pagkatao niya. Wala na ang pangarap niyang makapagtapos. Hindi na iyong mangyayari.

Nasaan ang hustisya? Iyan ang palaging tanong ng mga tulad niyang biktima ng madilim na mundo. Wala… walang hustisya. Hindi iyon uso sa tulad niyang hamak na scholar lang sa school, sa tulad niyang nagtatrabaho sa eskwelahan para makapag-aral. Walang hustisya sa tulad niyang hindi nakapalag nang pagsamantalahan siya ng mga guro kapalit ng magandang marka sa class card niya.

Napuno ng nagliliyab na galit ang kanyang mga mata habang matamang nakatitig sa akin. Pawang sinasabi niyang hayaan ko na siya na gawin ang gusto niya. Ayoko, hindi pwede! Umiling siya. Desidido na siya sa patung-patong na kasalanang gagawin niya. Anong silbi nga naman na hayaan niyang usigin pa siya ng konsensya gayong patapon na ang buhay niya?

Umiiyak na pinunit niya ang kanyang damit. Sinapo niya ang sinapupunang nagkakanlong ng kahayupang ginawa sa kanya ng mga walang-pusong guro na pilit itinatago sa puting uniporme ang maitim nilang pagkatao.

Binayo niya ang tiyan. Pinagsusuntok niya ang sikmura ngunit pati iyon ay hindi niya maramdaman. Gusto niyang magalit, gusto rin niyang humingi ng tawad dahil wala siyang planong makita ng bata sa tiyan niya ang madilim niyang mundo. Hindi iyon ang pinangarap niyang buhay. At hindi niya gustong kamulatan iyon ng isang inosenteng bata.

Huminga siya ng malalim. Pumikit at ininom ang likidong nabili niya sa isang aleng may madilim na propesyon sa isang madilim na eskinita malapit sa kanilang bahay. Pagkatapos ay kutsilyo na dinampot niya. Itinarak niya iyon sa sikmura at sa sariling pulsuhan.

Nagulat ako. Hindi ko siya napigilan hanggang sa huli na. Nanghihinang bumagsak siya sa sahig at bumaling sa salamin. Humihingi ng tawad ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Nanghina ako, nalupaypay. Umagos ang dugo niya sa sahig. Umagos ang dugo mula sa pulsuhan ko, sa sikmura ko, sa hita ko. Pumikit na siya. Nalunod na ako. Parang walang hanggang pagkalunod.

Wala na akong makita, wala na akong marinig, wala na rin akong maramdaman. Payapa na ako, payapa na rin siya. Hindi ko siya iniwan. Hanggang sa huli ay kapiling niya ako dahil ako ay siya at siya ay ako.


melaiquilla 1/10

Comments

Naiomi said…
..... :( nakakalungkot.... hayss :(
JM said…
Ganda! Wala na akong masabi! Galing mo talaga ^_^

Most Popular Posts

Find Your Way To Me: Loving You In so Many Ways- Epilogue

Five years later…
                 Naalimpungatan si Yumi nang humampas sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. She slowly opened her eyes and noticed that the window was slightly opened.  She sighed. Bumaling siya sa kabilang bahagi ng kama. No trace of Miguel was beside her. Another morning without Miguel. Napailing na lang siya. Doing the usual routine, she got herself up and went out of the room. Tahimik na tahimik ang Casa de Yumi.
                Matamang pinagmasdan ni Yumi ang kabuuan ng Casa.  Tulad nilang mag-asawa, napakarami na ring pinagdaanan ang bahay na iyon mula nang ipatayo iyon ng kanyang mga magulang hanggang sa maging property iyon ng ibang tao and lastly, naging property  ng asawa niya. Not to mention na sa Casa de Yumi nagsimula ang maituturing na love story nilang dalawa ni Miguel. 
                Bagama’t may mga nangyari din doon na hindi maganda, para kay Yumi ang bahay na iyon pa rin ang gusto niyang maging tahanan habambuhay. Pinaayos muli nila ang b…

Kofi Cups and Sweets Series 2: Kissing Mr. King of Anything- Part 2

“Yes! Mahabaging langit, thank you!” bulalas ni Erika matapos niyang i-save ang ginagawang report. Alas-sais na ng umaga at wala pa siyang tulog. Pinagpuyatan niya ang reports na pinauwi sa kanya ni Cholo.
                “Anak, ang aga mo atang gumising, may himala?” bungad ng kanyang ama nang bumaba ito mula sa hagdan. Kagigising lang ng tatay niya.  Sa kusina kasi siya nag-work para hindi mamalayan ng kanyang ama na hindi siya natulog.
                “Anong maagang gumising? Hindi pa natutulog iyan,” sambit ni Nanay Cattie.
                Napapalatak ang kanyang ama. “Na naman? Aba umaabuso na iyang boss mo ah. Ilang araw ka ng ginagabi ng uwi, ginugutom ka na nga tapos may take home ka pang trabaho. Mag-resign ka na dyan, anak,” sambit nito sabay halik naman sa ulo niya pagkatapos ay hinalikan nito ang kanyang ina. Sweet indeed.  Kapag nakikita niya ang kanyang mga magulang na malambing sa isa’t isa, hindi niya maiwasang mag-wish na sana ay makatagpo rin siya ng true love kat…

Find Your Way To Me: After The Love Has Gone- Chapter One

“Kuya, para po!” agad na sambit ni Vel. Kung kelan naman kasi kailangan niyang magmadali eh saka naman hindi nakisama ang kotse niya. Napilitan tuloy siyang mag-jeep sa kabila ng marami niyang bitbit na tracing papers, blue prints at kung anu-ano pa. Pero ang siste, hindi siya narinig ni manong drayber kaya sumigaw na siya with feelings. “Kuya!!! Paraaaa!”
                Huminto ang jeep kasabay ng pagtingin sa kanya ng lahat ng kapwa pasahero. Eh ano? Kesa lumagpas pa ako ng mas malayo ano?  Deadma na sa reaksyon ng mga kapwa pasahero. Mala-donya siyang bumaba ng jeep sa tapat ng ZLCD Realty Corporation Building. Hindi siya pwedeng ma-late dahil iyon ang unang araw ng new boss nila sa opisina... at iyon din ang araw na malalaman niya kung may trabaho pa siya o magaalsa-balutan na siya at magsa-sayonara opisina.
                Naalala  na naman niya ang nangyari. Ang shungabels mo rin naman kasi talaga, Aveline! She had been working at ZLCD Realty Corporation for six years. Nagsimula…